generations The 100 List Style Living Self Celebrity Geeky News and Views
In the Paper BrandedUp Watch Hello! Create with us Privacy Policy

Vice Ganda to UP CMC graduates: Spark change, not chaos

Published Jul 06, 2026 3:17 pm Add PhilSTAR Life on Google

Vice Ganda urged graduating communication students of the University of the Philippines Diliman to use their voices and platforms to spark meaningful change and serve the greater good.

The It's Showtime host Vice Ganda delivered a 16-minute address to the 181 graduates of the College of Media and Communication during the graduation rites at UP Cine Adarna on July 5.

The speech balanced humor with honest reflections on poverty, bereavement, and the importance of public service. Beginning with self-deprecating jokes about dressing up in the same color as the curtain or not having studied at UP, the television host shifted to a deeply personal account of her life's hardships and some relevant political jabs at the Senate. 

Using the concept of "Dagitab," or a spark, as the central theme of his speech, Vice reminded the graduates to uphold integrity in media and public discourse: to fight disinformation, promote accountability, and inspire change and amplify marginalized voices. 

Below is the comedian-host's full speech.

Magandang hapon, mga binibini, ginang at ginoo, mga nagsisipagtapos na alagad ng media mula sa College of Media and Communication.

Ako po si Jose Marie Borja Viceral, ayon sa aking birth certificate. Tutoy naman sa aking ina at mga kababata. Meme sa aking mga nakakabata. Mother Horse sa aking mga Little Ponies. At Vice Ganda sa lahat ng madlang people.

Kaya po sa pagkakataong ito, hayaan ninyo akong batiin kayo ng, "What's up, mga madlang Iskolar ng Bayan? Goodness gracious! Kayo ang mga graduates ng UP! Edi kayo na ang brainy! Oh my God! What am I doing here? Wala bang maganda sa batch ninyo kaya inimbita ninyo na rin ako? Oh my God! Nakatitig kayong lahat sa akin. I'm gonna die! I'm gonna die! I'm gonna die!" Charot.

Nagpapagpag lang po ako ng nerbiyos. Kinakabahan po kasi ako talaga. Kanina pa ako na-stress kasi alam kong ija-judge ninyo ako. Dahil kilala ko ang mga pagkatao ninyong mga taga-UP. Ang dami kong katrabaho sa ABS-CBN na taga-UP, at lahat sila, judger. Alam ninyo po 'yan.

Anyway, it is a great privilege to be back here in the University of the Philippines. I know how fulfilling it is to graduate in UP. 'Di niyo po naitatanong, I took up BA Political Science under the Department of Political Science at the College of Social Sciences and Philosophy. I also took up a 138-unit program that is highly focused on economic theory and mathematical statistical applications at the UP School of Economics. I also took up Bachelor of Public Administration at the National College of Public Administration and Governance here at UP Diliman. Yes, opo. Lahat po 'yan ay nangyari… noong nanaginip ako two weeks ago. Hindi lang ako naka-graduate kasi ang ingay ng hilik ni Ion, nagising ako. #Delulu.

Simula pa lang po, pangarap na ng nanay ko na makaranas ako ng college graduation. Kaya naman, 'Nay, eto na. I made it. I made it, 'Nay. At sa UP pa! Kabog, 'di ba? Tingnan ninyo nga naman. Kapag nagbiro talaga ang tadhana. Hindi ako nag-UPCAT. Hindi ako nag-enroll. Wala akong student number. Wala rin akong thesis na pinagpuyatan, iniyakan, at dinepensahan. Pero tingnan ninyo, nandito ako sa graduation ng UP. Nasa harapan ninyo at pinakikinggan, na para bang ako pa ang summa cum laude. Pero hindi man ako ang cum laude, at least, kasing-yaman ko naman si Small Laude. Charot! Fantasy. Fantasy lang po 'yon.

Kidding aside, maraming-maraming salamat po sa UP-CMC para sa imbitasyon na dumalo sa napakahalagang pagtitipon ninyong ito. Noong sinusuri ko ang papel na ibinigay sa akin na magsisilbing gabay sa aking pakikipagtalastasan sa inyo ngayon, naloka ako. May rationale. Research paper ang atake. Na-stress ang meme.

Ngunit kiniliti ang aking hinuha sa salitang "dagitab." Dagitab? Dagitab? Nagtanong nga po ako kay sir kanina, "Ano po ba ang ibig sabihin ng dagitab?" Dagitab. [...] In English, spark or electricity. Or electricity or electric current. So bakit ako ang inimbita? Bakit hindi si Manny Pangilinan? Hindi ba siya ang may-ari ng Meralco? Baka busy siya. Charot lang. Dagitab, isang maliit na liyab ng apoy na maaaring maging mitsa ng mas malalaking bagay. Wow, deep. Taray ng theme niyo, no? Parang hindi pang-graduation, parang pang-fire prevention. Pero maganda. Maganda ang tunog. Dagitab.

Sa totoong buhay po, napakahalaga ng mga dagitab sa pagbuo ng aking pagkatao, ng aking mga pangarap, at ng aking mga prinsipyo. Lumaki po ako sa isang komunidad na ang bawat araw ay isang pakikibaka. Naramdaman ko na ang mabuhay ay hindi lang basta biyaya. Naranasan ko na ang mga pangunahing pangangailangan ay hindi nakakamit nang madali at may mga araw na kami ay talagang walang-wala. Araw-araw ay isang laban na dapat mapagtagumpayan.

Ang dagitab po ay bumukal mula sa naranasan kong kahirapan—mga pagkakataong nakakapangliit at nakakagalit. Naranasan na ba ninyong pagpawisan sa takot? Tuwing maniningil ang teacher ninyo ng kontribusyon pero wala kang maibigay, tapos pagagalitan kayo at mapapahiya. Naranasan na ba ninyong hindi payagang makapag-exam kasi hindi ka pa nakakabayad? Kaya palabasin ka at mapapahiya. Naranasan ba ninyong hindi pumasok sa classroom noong Christmas party kasi may exchange gift? Eh wala ka namang dala? Tapos, may makakakita sa'yo at mapapahiya. Naranasan niyo rin bang masubsob sa kalsada noong tumalon ka sa jeep kasi wala nang natira sa katiting mong baon para sa pamasahe? Tapos may nakakita sa iyo at mapapahiya. Mababaw ba?

O eto. Itodo na natin ang sharing. Trigger warning. Kuwento ng karahasan. Naranasan na ba ninyong mapaslang ang tatay ninyo pero hindi kayo nakakuha ng hustisya? Kasi ni wala kayong pamasahe para sa paulit-ulit na pagpunta sa City Hall, kaya ipinagpasa-Diyos na lang? Naranasan ko 'yon. Naranasan ng pamilya ko 'yon. At isa lang 'yan sa napakarami kong naranasan sa buhay. Sa ibang tao, bubog ang tawag nila diyan. Bubog na ubod ng sakit tuwing masasalat at mapag-uusapan.

In my case, these experiences did not break me. They started a spark inside of me. These experiences made me realize that I do not want to be poor. So I decided I would not continue to be poor. I knew I needed to stand up. I knew I needed to step up. I knew I needed to hustle and work very, very hard. Hindi ako sigurado kung saan at paano, pero kailangan kong magsimula. Kung ano man ang gagawin ko, kailangan kong galingan at paghusayan dahil gusto kong manalo. Gusto at kailangan kong manalo dahil ayoko nang mapahiya at muling mamatayan at mapagkaitan ng pagkakataon dahil kami ay walang-wala.

Sa napakaraming pagkakataon, ibinahagi ko ang mga kuwentong ito sa aking mga palabas sa telebisyon at sa mga interviews sa iba't ibang platforms. Ninais kong magbahagi ng mga piraso ng buhay ko sa mga manonood at tagapakinig sa pagbabakasakaling makapagbigay ito ng inspirasyon sa iba upang mamulat sa katotohanang sa Pilipinas ay mahirap maging mahirap.

Mahirap maging mahirap. Dahil simula't sapul, tayo ay pinamumunuan ng pamahalaang walang maayos na sistema upang mapadali at mapagaan ang pamumuhay ng bawat Pilipino. Sa bansang ito, wala kang ibang aasahan kundi ang sarili mo. Amen? Napakapalad ko dahil ang kasipagan at husay ko ay tiniktikan ng swerte. Maraming Pilipino ang masipag at mahusay ngunit hindi makausad dahil mas malaki pa ang gastos kaysa sa suweldo. Six hundred plus, may kaltas pa. Iyan ang kita ng karaniwang manggagawa, depende sa kung saang rehiyon ka. Pero humigit-kumulang P300,000 ang suweldo ng senador na hindi pumapasok at nawawala. Nasaan ang hustisya?

Sa Pilipinas, manganganib ang buhay mo kapag ikaw ay nagkasakit at napunta ka sa ospital na walang kama, walang espasyo, at walang mga aparato. Kaya naman ang mga politiko, gamit ang perang mula sa kinaltas sa kapiranggot mong suweldo, sa Singapore tatakbo kapag may sakit kasi doon maganda at kumpleto ang serbisyo. Slay! Atake kung atake. Ngayon niyo sabihing may hustisya sa bansang ito.

Ilang beses man akong pinagsabihan at tinangkang pigilan. Nakakatakot man, pero pinili kong ipaloob ang mga temang ito sa aking komedya at tahasang magsalita sa aking mga programa sa hangaring lumikha ito ng dagitab upang patapangin ang iba pang gising, gisingin ang mga nahihimbing, at wakasan ang sistema at pamamayagpag ng mga nang-aabuso at lalong nagpapahirap sa mahirap nang buhay ng mga Pilipino.

Gamit ang komedya at ipinahiram na plataporma, maaaring magbukas ng diskusyon at magpalutang ng iba't ibang opinyon. Gaya na lang sa Miss Q and A? Do you watch Miss Q and A? Ay, ang daming bakla. Gaya na lang doon sa Miss Q and A, minsan kong naitanong: "Sino ang mas mabilis lumipad, si Superman o si Zaldy Co?" "Kung ikaw si Darna, malulunok mo pa ba ang Bato?" Sa simula ay maaaring nakakatawa. Ang 'di nila alam, pailalim kong ipinapaalala sa kanila na hanggang ngayon ay marami pa ring hindi nasisingil sa mga kasalanan nilang ginawa. Ilan pa lang ang nakukulong? Malaya pa rin ang mga utak ng korupsyon. Tama?

Hindi ko mapapayagang lumamlam ang galit ng mga tao at tuluyang makalimutan ang mahahalagang isyung pilit tinatakpan ng iba't ibang usaping likha ng mga nagmamanipula ng naratibo. Dahil sa gitna ng ingay at kaguluhan, sa pagbaluktot ng lipunang napapaligiran ng diskriminasyon, opresyon, at disimpormasyon, ng mga lingkod-bayang nagnanakaw sa taong-bayan, at sa sistemang sumubok sa prangkisa ng aking network na kumitil sa maraming kabuhayan at sa karapatan sa malayang pamamahayag, doon ko higit na naunawaan: Ang aking saysay ay higit pa sa pagpapatawa. Sapagkat ang mikroponong tangan ng aking kamay ay ang aking kapangyarihan. At kaakibat nito ang pananagutan ko sa aking mga tagasubaybay—ang tamang paggamit sa aking boses at plataporma.

Magpapatawa at papalakpakan, pero kakalampagin din ang sistema. Gaganap ng iba't ibang papel sa pelikula, pero magsisilbing panimulang puwersa na hahamon sa nakasanayan. Noon, ang mga bakla ay nasa gilid o nasa likod ng bida o nasa likod ng kamera. Ngayon, ang bakla ay nasa gitna na dahil siya na ang bida.

Araw-araw kami maghaharutan sa isang noontime show, pero kailangan ko ring maghatid ng mensahe na gigising sa kamalayan at tutulak sa publiko na mag-isip, makiramdam, kumilos, o kahit man lang magsimula ng diskurso. Kailangan kong ipahiram ang boses ko sa mga hindi nakapagsasalita at hindi makasigaw upang ang dagitab na nanahan at pinag-apoy sa aking isipan at damdamin ay maipasa ko sa marami—lalong-lalo na sa inyo, mga kabataan, para kayo naman ang magsilbing liwanag sa kadiliman na ating patuloy na kinasasadlakan.

Pagkatapos ng araw na ito, may kanya-kanya kayong landas na tatahakin. May ibang magtatrabaho sa mga pribadong kumpanya. May ibang papasok sa pulitika. May ibang magsisimula ng sariling negosyo, o may papasok din sa industriyang kinabibilangan ko. Saan man kayo dalhin ng inyong mga paa, much is expected of you because you are the product of the country's premier university. You are expected to spark change. Change, not chaos. You are expected to share your education, not disinformation. Hindi kayo ang magsisimula ng korupsyon. Hindi kayo ang maghahasik ng kasinungalingan. Hindi kayo ang magliligaw at magmamanipula ng opinyon ng publiko. Hindi kayo ang magpapasimuno ng impunidad. Hindi kayo ang magtatakip sa mga dapat managot sa batas tulad ng ibang pulitiko na nagtapos din sa unibersidad na ito—gaya na lamang nina senator... Basta, alam niyo na 'yun. Sabihin ko pa sana, kaya lang parang may nakita akong pulang ilaw sa noo ko, galing doon. Sir, maayos ba ang security dito? Thank you po. Thank you very much.

Sa kaibuturan ng inyong mga puso at kaisipan, tuklasin. Tuklasin ninyo ang nananahang diyang tahimik ngunit makapangyarihang dagitab na naghihintay magliyab. Nawa'y ito ang magsisilbing liwanag na hindi lamang kayo dadalhin sa tagumpay ng inyong mga karera, kundi magbubukas sa landas ng isang mas malaking panawagan—ang punuin ng dangal at husay ang bayan, ang mundo, at ang henerasyon ninyo sa paraang alam at kaya ninyo.

Malugod ko kayong binabati inyong pagtatapos. Mabuhay ang pag-asa ng bayan. Mabuhay kayo, na mga Iskolar ng Bayan. Magandang hapon.