In the Paper BrandedUp Watch Hello! Create with us Privacy Policy

FULL TEXT: Joel Lamangan honors Nora Aunor's acting brilliance and generosity in his tribute to the screen icon

Published Apr 22, 2025 4:31 pm Updated May 05, 2025 9:01 pm

Veteran director Joel Lamangan gave a touching eulogy for the late screen icon Nora Aunor, who died on April 16 at age 71.

At the necrological service to Aunor on Tuesday, April 22, Lamangan highlighted not just the superstar's incredible talent as an actress, but also her kind heart as an individual. He recalled working with her on six films, and how she was able to make her passion for her craft and generosity to others shine consistently.

Read the full transcript of his tribute to Aunor below.

"Magandang gabi po sa inyong lahat. 

Narito po ako para magsalita tungkol sa aking karanasan bilang isang katrabaho ni Nora Aunor sa pelikula. Si Nora Aunor ay naging kasama ko sa anim na pelikula: Muling Umawit Ang Puso, Bakit May Kahapon Pa?, Flor Contemplacion, Sidhi, Hustisya, at Isa Pang Bahaghari. Sa lahat ng pelikulang iyon, tinanghal siyang Best Actress o na-nominate bilang Best Actress, o naging Best Picture at Best Director ako sa anim na pelikulang iyon. 

Pero hindi ko doon unang nakilala si Ate Guy. Unang nakilala ko si Ate Guy bilang aktor at bilang aktor din ako sa isang pelikula ni Mario O'Hara, Tatlong Taong Walang Diyos. Wala akong pangalan doon dahil bahagi lamang ako ng PETA Kalinangan Ensemble. 

Ang instruction ng direktor: Habulin si Guy dahil puputulan ng buhok. Ako ang head, yung manghahabol kay Ate Guy. Tatlo o apat kaming lalaking hahabol sa kanya. Nung sinabing 'action,' tumakbo si Ate Guy, tumakbo din kami, hindi namin nahabol dahil napakabilis niyang tumakbo. Sabi ng director, 'Cut! Joel anong nangyari?' 'Eh napakabilis niyang tumakbo, 'di namin mahabol.' Kinausap kami ni Ate Guy, 'Ano problema?'' 'Napakabilis mong tumakbo, Ate Guy, hinaan mo naman, 'di ka namin maabot, napakabilis mo pa lang tumakbo.' 'O sige ulit, take two, action.' Tumakbo uli si Ate Guy, tumakbo uli kami, nahabol na namin siya. Ang susunod puputulan siya ng buhok. Nung puputulan na siya ng buhok, umiikot ang camera, umiikot din kami sa kanya, may hawak kaming gunting. Pagdating sa akin, close-up, nakita ko ang mukha ni Ate Guy, natulala ako. 

Sabi ni Mario, 'Cut! Bakit 'di mo putulin ang buhok, Joel?'

'Eh kasi nakatitig sa akin si Ate Guy,' 

'Talagang tititig siya sayo dahil puputulan mo ng buhok.'

Namangha ako sa mata ni Ate Guy bilang aktor. Nung take two na, pinutol ko na ang buhok niya, pero nakakamangha ang ekspresyon ni Ate Guy habang pinuputulan namin siya ng buhok. 'Yun ang una kong experience sa kanya.

Pagkatapos noon, may Himala. Assistant director na ako noon, crowd director, casting director, at kung anu-ano pa sa pelikulang iyon. 'Yun ang experience ko sa film production. Kauna-unahan, crowd director ako, kumukuha ako ng mga mga matatanda. May isang instruction si Ishma: 'Kumuha ka ng mga matatanda, yung talagang mukhang matanda, kumuha ka ng dalawampung matatanda.' Diyos ko, pumunta ako sa barangay, kumuha ako ng dalawampung matatanda na kitang-kita ang katandaan. 

Inihilera ko, 'Ito na po ang 20.' Nandoon si Ate Guy. Isa-isang inspeksyon ni Direk Ishma: 'Naku, hindi maganda yan. Pabalikin mo yan, hindi nakikita ang katandaan. Dapat nakikita yung katandaan sa mga mukha.' 'Ha? Ibabalik ko ang lahat na ito sa mga barangay?' Nilapitan talaga ako ni Ate Guy: 'Hayaan mo kakausapin ko isa-isa.' Kinausap niya habang papunta kami sa bus, alam niyo, binigyan [niya] ng pera yung matatanda dahil sa kanilang pag-attend. Si Ate Guy ang nagbigay ng datung. 'Oh, kuha ka uli ng matatanda, dalawampu ulit. Inihilera ko na naman ang mga matatanda, talagang pagkatatanda, halos hindi na makalakad sa katandaan. Diyos ko. Ininspeksyon ni ate Gay, ininspeksyon ni Ishma, sabi ni Ishma, 'Ayan, very good dahil ko-closeup-an ang mukha.'

Natuwa naman ako at nakapasa. Ang susunod, 'Kumuha ka ng mga may sakit, yung may sakit na nakikita.' Kumuha ako, mga may sakit. 'Anong sakit mo?' 'Mayroon po akong trangkaso.' 'Ay, hindi ka pwede, hindi nakikita.' 'Anong sakit mo?' 'May kanser po ako.' 'Ay, hindi pwede, hindi nakikita.' 'May ulcer po.' 'Ay, hindi.' 'May rayuma po.' 'Hindi.' 'Joel, yung nakikita ang sakit.' Ano ba yun? Yung mga tabingi ang mga mukha, yung mga malalaki ang ilong? 'Yun, balik na naman ako. Sabi ko, 'Ate Guy, hindi naman nakapasa ang mga may sakit.' 'Halika, sasamahan kita.' Sinamahan na naman ako para ihatid na naman at binigyan na naman ng kaunting datung ang mga hindi nakapasang may sakit.

Next na dumating ang mga totoong may sakit: mga nakawheelchair, mga nakaganyan ang mukha, mga malalaki ang ilong. Tuwang-tuwa naman si Ishma dahil yun ang kanyang gusto. Tuwang-tuwa din si Ate Guy dahil nakuha ang dapat kunin. Sabi ni Ishma, 'Oh, walo ang camera, ikaw ang crowd director. Sa bawat area na yan, may crowd director. Ang isang area na nandoon, nakasali si Ate Guy kasi naging crowd director din si Ate Guy.' Siya ang nag-volunteer. Yung area na dadating ang mga bus, dadating ang mga jeep, dadating ang mga kalabaw, dadating ang mga transportation. Doon in charge si Ate Guy. Eh hindi na siya pwede kasi aarte na siya. 'Ate Guy, paano yan? Kukuha na ako ng ibang ano.' 'Ako bahala dyan. May senyas ako na hindi nila alam.'

Sabi ni Ishma, 'Ready? Ready na tayo ha?' Yun ang una naming rehearsal. Biglang umulan nang malakas—pagkalakas-lakas na ulan, parang may sandstorm. 'Packup tayo,' sabi ni Ishma. 'Naku,' sabi ni Ishma, nakapayong papalapit sakin. 'It's your problem now, Joel. Take those people home.' Saan ko isasakay? Ako ang nag-recruit sa mga yan. Diyos ko, baka ako patayin dito ng mga yan. Nag-sasandstorm. Ay, umuwi na si Verna at tinulungan ako ni Ate Gay. Kinausap yung bus. Tatlo, apat na bus, sinakay-sakay. Ayaw kasi isakay ng bus kasi hindi naman yun kontrata nila. Ang kontrata, yung mga eskwela na nandoon, isinakay rin. Si Ate Guy rin ang kumausap kasama ako. Tinulungan niya ako na maisama, iligtas ang mga ordinaryong tao sa napakalakas na ulan. Nag-packup. 

Inulit, another day. Ganun na naman. 'Di ba? 'Papatayin si Ate Guy. Babarilin si Ate Guy.' 'Pagsabi ng 'walang himala,' babarilin na siya. Di ba? Kaibigan ko yung stuntman na bumaril. Sabi ko, pagbaril mo, magtago ka. Baka magalit ang mga tao sa'yo. Noong action, bang! Binaril na. Ginanyan na si Ate Guy. Hindi siya nakatakbo. Binugbog siya ng mga tao. Naaawa ako. Ang pangalan noon, Monching Maglangit. Sumalangit nawa. Binugbog siya ng mga tao. Sabi ko, magtago siya eh. Hindi siya nakatago. Binugbog siya ng mga fans ni Ate Guy. 

Noong unang araw, datingan nilang lahat, nakasetup ang camera, pagka-ingay-ingay. 'Guy! Guy!' Sabi ng mga Ilocano, 'Guy!' Sabi ko, 'Oy! Yung crowd mo pagka-ingay-ingay! Hindi pwede tayo mag-shooting ng ganyan ka-ingay!'

Tinawagan ko siya. 'Ate Guy, ang ingay-ingay.' Pumunta siya sa microphone. Si Ate Guy, simple lang ginawa niya. Sabi niya lang, 'Shhhhh.' Tumahimik ang tatlong-libong tao. Ganun kalakas ang impluwensya ng isang Ate Guy. Sabi ni Ishma, 'Kagilagilalas, Joel?' Oo nga, siya nang nakapagpagtahimik. Kaya noong nagsasalita siya, nakita niyo, tahimik ang mga tao. Ganun kalakas ang impluwensya ni Ate Guy sa isang ordinaryong tao. Doon ko din nakilala kung gaano kadakilang aktres si Ate Guy.

Uulitin ko ito, nasabi ko na ito: May isang eksena, sabi, 'Joel, yung crowd mo, arrange muna ng isang mahabang-mahabang libing ng limang kabaong.' So, lahat ng taong nasa kabaong na nandoon na, umiiyak na sila. 'Guy, pagdating dito,' gumuhit, 'Pagdating mo dito, iiyak ka, tutulo ang luha sa kaliwang mata mo.' Susko, paano yan? Hindi pwedeng Take 2 kasi gabi na. 'Ready yung mga tao ko. Ready na kayo. Iyak-iyakan na kayo.' Sabi ko sa mga tao, iyakan na sila. Iyakan-iyaka na. Lumalakad na ang crane. Bumababa na ang crane. Pagbaba na ng crane doon sa guhit na nandoon si Ate Guy, pagdating doon, lumuha siya sa kaliwa nga. Doon ako naging Noranian. Napakahusay. Napakahusay ni Ate Guy.

Marami pa kaming pinagsamahan. Nakita ko kung gaano siya kamahal ng isang ordinaryong tao. Nakita ko kung paano niya ina-atake ang isang karakter. Kung paano siya nagpe-prepare. Tinanong ko, 'Ate Guy, paano ka ba nagpa-prepare?' 'Isinasa-loob ko. Inilalagay ko sa damdamin ko. Yung lahat ng ginagawa ko, yung pakikipag-ugnayan ko, isinasa puso ko. Kaya nagagawa ko,' sabi niya.

'Wow,' sabi ko, 'parang Stanislavski din yang ginagawa mo, Ate Guy.' 'Sino yun?' Sabi niya. 'Hindi ko maipaliwanag kasi mahaba,' sabi ko sa kanya. 'Pero tama yung ginagawa mo.' Sabi ko, 'Ate Guy, bakit masyadong malapit ka sa mga tao? Kasi galing din ako sa ganyan eh. Naging kasing hirap din nila ako at alam ko kung papaano sila.' 'Alam ko kung bakit nandyan sila: para kumita lang naman. Kaya malapit ako sa kanila.'

Maraming pagkakataon na nakita ko ang kadakilaan niya. Noong matanda na, may edad na siya, ginagawa ko yung Star Drama presents Nora. Nagsho-shoot kami sa isang squatter. Matanda na siya. May sumigaw, 'Nora! Laos ka na!'

Diyos ko, nagulat ako. Nagalit yung kasama ni Ate Guy. Pinigil ni Ate Guy, ''Wag, akong bahala.' Pumunta siya doon sa squatters' area. Tinanong niya kung sino nagsalita. Isang lalaking medyo lasing nagsalita. Kaya sabi niya, 'Ba't mo ginawa yun?' sabi ni Nora. 'Kasi gusto na kitang makita. Kasi gusto kitang makausap. Hindi kita makamayan. Gusto kitang kamayan. Kaya ako sumigaw.' Tapos umiyak at niyakap siya. Yun lang pala ang gusto at natuloy ang aming taping dahil doon. 

Maraming pagkakataon pa. Uulitin ko sa Sidhi, nakakita siya ng isang mamang masyadong malungkot na nasa ilalim ng mangga. Nilapitan niya, 'Direk, si Papay.' Sabi niya, 'Sino? Si Popeye, the Sailor Man?' 'Hindi, tatay ko. Papay, ang tawag namin sa mga tatay.' Lumapit siya. Sabi niya sa matanda, 'Tay, bakit ka malungkot?' Sabi ni matanda, 'Kasi namatay ang kalabaw ko. Wala na akong kalabaw. Wala na akong gagamitin pangsasaka.' Tumahimik sandali sa Ate Guy. Tumingin sa akin. Sabi niya, 'Magkano po ba ang isang kalabaw?' Sabi nung matanda, 'P15,000 po. P15,000 po,' sabi. Tinawag niya yung isang assistant niya, kumuha ng P15,000. Binigay doon sa matanda. 'Ayan na po. Bumili na po kayo ng kalabaw.' Umiyak yung matanda, lumuha, nagpasalamat, kinuha ang kamay niya at hinalikan ang kamay niya at umalis na. 

Marami siyang ginagawang kabutihan na hindi nalalaman ng maraming tao. pero is Guy ay tao, mayroon din siyang pagkukulang. Mayroon din siyang kahinaan. Diyos ko, ang dami naming pag-aaway na nangyari. Tatawag yan, mag-uusap kami. 'Oy, bukas may shooting, ha? Alas sais ang call time, pwede kang dumating ng alas siyete.' Sasabihin niya, 'Opo, direk.' Pagdating sa set, Diyos ko, alas-12 na, wala pa siya. Kakausapin ko, 'Bakit gano'n, Ate Guy, late na late ka?' 'Eh kasi marami akong problema.' 'Hindi pwedeng gano'n, naghintay ang maraming tao.' Isang beses, ganun din. Bakit naghahakot pa? Shooting. Usap. 'Ate Guy, bukas ha? Big scene. Rally ang scene. Dapat nandun ka maaga.' 'Dadating ako, direk.'

Dumating kaming lahat. Naka-abang kami. Alas-9 na, hindi pa dumatating. Tinawagan ko. 'Hoy, Ate Guy, bakit wala ka pa? Diyos ko, mag-uumpisa na. Hindi kami makapagumpisa.' 'Hindi ako, hindi ako makalakad.' 'Hindi totoo yan, Diyos ko. P1.5 million itong cost ng ito, idadagdag sayo, ikaw magbabayad 'pag hindi ka dumating.' In 30 minutes, nandoon na siya.

Mayroon ding mga kahinaan si Ate Guy. Siya ay isang taong may damdamin. Mahal natin si Ate Guy. Sa isang eksena na ako artista at siya ang artista din, ako yung pari, nagkukumpisal siya sa akin at umiiyak na hindi niya masabi ang kasalanan niya, sabi ako, 'Ate Guy, paano yan? Kasi, nandoon na kami.' 'Action,' sabi ng director. Nakaganyan ang tenga ko. Wala naman siyang sinasabi kasi nga, pipe siya. 'Cut,' sabi ng director. 'Very good.' 'Bakit very good? Wala naman akong narinig.' 'Eh kasi hindi niya masabi ang kanyang kasalanan.' Napakahusay ni Ate Guy at tumutulong siya.

Sa isang pagkakataon, tinanong ko siya, 'Ate Guy, naku, nakakapagtake five na tayo. Pwedeng kausapin mo yung co-actor mo, at turuan mo?' 'Hindi pwede, direk. Iba ang karanasan niya sa karanasan ko. Iba ang pagtingin niya sa problemang yan. Ang kailangan nating gawin, ilinaw sa kanya ang sitwasyon para magawa niya, na ang tama ang hinihingi mo.' Yun nga ang ginawa ko—nilinaw ko, ang ganoon ito, and explain, explain, explain, hanggang nagawa nga.

Naniniwala si Ate Guy sa kakayahan ng bawat isa. Naniniwala si Ate Guy na makakaya ng isang tao ang isang bagay kung malinaw sa kanya ang patutunguhan at kung sa paano ito gagawin. Sa usapang pulitika, naku, pabago-bago si Ate Guy. Pabago-bago, bago-bago. Pero isa lamang ang consistent sa kanya: ang katumpakan ng pagmamahal at pag-aalala sa mga nasa laylayan ng lipunan. 'Pag mayroon akong pelikulang gagawin at sasabihin ko sa kanya, sasabihin niya muna sa akin, 'Ano ba ang gusto nating sabihin din sa pelikulang iyan? Ano ba ang gusto nating linawin para sa mga manonood sa pelikulang iyan?' Sasabihin niya, 'Ako, bilang artist sa pelikulang iyan, ako ang magiging instrumenta ng paglilinaw ng nais nating sabihin at iparating sa mga manonood.'

Lahat ng pelikulang ginawa ko ay may gustong sabihin na siya ang nagsasabi bilang aktres sa manonood. Nililinaw niya ang pulitika ng pelikula—ang pulitikang nakaugnay sa gandahan at kabutihan ng masang Pilipino. 'Yun ang pulitika ni Ate Guy.

Maraming pagkakataon na si Ate Guy ay hindi naiintindihan ng maraming tao. Bago siya naging national artist, marami siyang pinagdaanan. Hindi importante sa kanya ang kayamanan o pera. Kung kanyang Diniyos ang pera, siya na ang pinakamayamang artista sa buong Pilipinas. Pero hindi. Ang pera sa kanya ay hindi dapat i-Diyos. Ito'y pinamimigay niya sa mga nangangailangan.

Witness ako, Diyos ko po, ilang libong preso ang pinapila niya at binigyan ng pera at nagalit sakin ang warden. 'Direk, baka tumakas ang mga yan?' sabi sa akin. Sinabi ko kay Nora, 'Tama na yun. Baka tumakas.' Ganun ka-importante ang tao sa kanya. Sa mga crew, pagkatapos ng isang shooting, may pera, may pa-raffle, may party after the shoot. Si Ate Guy ang nag-organize noon. May pa-raffle at ang mga premyo, magaganda. Washing machine, dryer, pera, marami, TV, at may pasimple pa 'Ito, sayo, para sayo. Huwag mo muna sabihin sa iba.' 'Oh ito, ganyan.' Pabigay-bigay pa ng ganun. 

Naging best actress siya, kauna-unahang artistang Pilipino na naging best actress sa isang A-list festival sa Cairo. Sabi niya sa akin, 'Direk, halika, sumama ka.' 'Ay, may shooting, 'di ako makakapunta.' 'Sayang naman, 'di mo makikita ang terno ko. Nung napalabas sa TV, sa news, nakita ko, maganda naman ang terno niya. Dumating siya dito. Sabi ko, 'Sayang, hindi nabigay sa akin ang trophy.' 'Hindi, ibibigay ko sa iyo. Mayroong malaking ganun.' Binigay niya sa akin: Best Picture ang Flor Contemplacion. 

Nagustuhan siya ng mga tao. Ganoon din sa Malaysia. Marami pa siyang mga award pero hindi ito naging dahilan para lumayo siya sa ordinaryong tao, upang malayo siya sa mga kasamahan niya sa trabaho. Hindi ito naging hadlang. Hindi tumaas ang kanyang ere. Siya pa rin si Nora Aunor na nasa lupa. Siya pa rin si Nora Aunor na hinahangaan ng lahat ng tao. 

Sabi nga niya sa Himala bilang Elsa, nung kausap niya yung documentarist na si Spanky Manikan, 'Magiging kalansay na tayo lahat pero ang sining na ating ginawa ay mabubuhay nang matagal na matagal sa mahabang panahon.' Yun si Ate Guy. 

Napakahirap na magsabi ng mga bagay na hindi mo nasabi nung siya ay buhay pa. Hindi ko man lang nasabi kay Ate Guy nung buhay siya na isa siya sa pinakaimportanteng tao para sakin dahil sa kanya nabuo ang paniniwala ko na ang pulitika ay dapat talagang sumasanib, umuugnay, nakikinabang ang mga ordinaryong tao.

Nabuo ang paniniwala ko na dapat sabihin ang katotohanan dahil ang kanyang emosyon ay ayun ang katotohanang kanyang nararamdaman. 'Ang katotohanan ay hindi dapat pagtakpan, ang katotohanan ay dapat sabihin, ang katotohanan ay dapat ipagtanggol,' yan ang sinasabi ni Nora Aunor, yan ang sinasabi ng acting ni Nora Aunor lalo na sa pulitika ng ating bayan.

Sa isang panahon na magulo, nakausap ko si Ate Guy, sabi ko, 'Ate Guy, paano ba ito?' 'Ako, kung saan lalago, kung saan makikinabang ang ordinaryong tao, doon ako,' sabi niya. Hindi natakot si Ate Guy umiling o kumampi. Hindi natakot na hindi magsalita, sumasali sa rally kung kinakailangan. Lumalaban kung kinakailangan. Maraming producer, nung bandang huli na, ang hindi na naniniwala sa katanyagan ni Ate Guy, na ayaw na siyang isali sa mga pelikula dahil hindi na raw kumikiita ang kanyang pelikula.  

Sabi ko, 'Ate Guy, hayaan mo sila. Gagawa tayo.' At gumagawa siya. Kahit hindi sa mainstream producer—gumagawa siya ng indie at tinutulungan niya ang mga independent films. Marami siyang ginawa dito, hindi sa mainstream kundi independent film. Naging reyna siya ng mga independent na pelikula bilang reaksyon sa mga ginagawa ng mainstream cinema na puro lamang pampatawa, pampaiyak, pampalibog ang ginagawa. 

Si Ate Guy ang magiging simbolo ng ating sining sa maraming panahon. May mga institusyong na hindi na kinikilala ang artistic expression ng pelikula, ini-ease out na ang pelikula sa kanilang programa. Nakakalungkot. Ito ay matinding dagok sa lahat ng gumagawa ng pelikula. Hindi dapat tignan ang pelikula na isang maliit na bagay lamang. Ito'y malaking bagay dahil ito'y potent medium na naiintindihan ng ordinaryong tao. Ito ang pinaglalaban ni Nora Aunor. Mahal ni Nora Aunor ang pelikula. Kailangang mahalin din natin ang pelikula dahil ito'y isang mataas na artistic expression. Hindi ito isang maliit ba bagay. Hindi lamang ito isang popular medium, ito ay artistic expression ng bayan. Palakpakan natin si Nora Aunor. 

Nora, maraming, maraming salamat sa pagbukas mo ng aming pananaw tungkol sa simpleng sining ng pelikula. Maraming salamat. Maraming, maraming salamat."