FULL TEXT: Ricky Lee delivers heartfelt eulogy for late superstar Nora Aunor
Veteran screenwriter and National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee honored the late superstar Nora Aunor with a touching eulogy during her state funeral on Tuesday, April 22.
Held at the Metropolitan Theater, the necrological service became a moment of reflection on the life of the legendary actress, who died on April 16 at the age of 71.
In his eulogy, Lee highlighted the many lives that Aunor touched, including his. He recalled working with her and being in awe of how generous she was to the people around her and willingly put others' needs before her own.
Here's the full transcript of Ricky Lee's eulogy:
"Noong 1993, naglibot sa ibat ibang bansa and dulang DH na sinulat ko na pinagbibidahan ni Guy. Nagpunta kami sa Central Park sa Hong Kong, daan-daang DH ang nandoon. Halos bawat isa ay niyayakap ni Guy, kinakausap, kinukumusta kung ano na ang mga problema nila.
Nung paalis na kami, lumingon ako, Nakita kong tumatakbo sa kalsada ang mahigit sampung DH, lumuluha habang humahabol sa van. Naisip ko, bakit ganito ang epekto ni Guy sa mga tao, bakit sila umiiyak? Alam ko kung bakit, dahil nakikita nila si Guy sa kanilang mga sarili. Sila si Guy.
Una kong nakilala si Guy noong gawin namin ang Himala. Noong gabi bago ang shooting ng finale, kung saan sinabi niya ang 'walang himala,' ni-revise ko ang buong monologue. Sinabi ni Isma kay Guy, 'One take lang tayo bukas dahil tatlong libo ang ekstra at walo ang camera. 'Opo, Direk' sabi ni Guy. Kinabukasan, idiniliver ni Guy ang monologue sa harap ng libong mga tao na karamihan ay Ilokano at 'di naiintindihan ang sinasabi niya. Pero nasa puso ni Guy ang masa, may paraan siya ng pagkonekta sa kanila na hindi laging nangangailangan ng mga salita.
Naging matalik akong kaibigan ni Guy ng gawin namin ang 'Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina' na siya ang producer. May nagpasabi kay Guy na makakapasok lang daw ang Andrea sa Metro Manila Film Festival kung babaguhin ang ending. Doon kasi sa ending ay binaril si Andrea ng mga sundalo sa ulo. Dapat daw ay nagtatangkang tumakas si Andrea kaya siya binaril. Huwag na lang natin isali kung babaguhin ang ending sabi ni Guy. Nanindigan siya at tinanggap pa rin ng Andrea kung saan nakagrand slam siya as Best Actress.
Rebelde si Guy. Sa loob ng pitong dekada ay nilabanan niya ang status quo. Binago niya ang kolonyal na pagtinging nagsasabing mga mapuputi lang at matatangkad ang maganda sa puting tabing. Ginampanan niya ang papel ng mga babaeng palaban at makatotohanan. Naging mother siya, bilanggo, lesbian, NPA, OFW, kabit, anak na naging kaagaw ng ina sa pag-ibig, alalay, atsay, kontrabida, Muslim, Igorota, binukot, may dementia, mamamatay tao.
Sa isang panahong hindi tanggap ng mga tao na namamatay ang bida sa ending, namatay sya sa Tatlong Taong Walang Diyos, Himala, Nakaw na Pag-ibig, Andrea, Flor Contemplacion, at iba pa.
Marami siyang binasag at binago ang paniniwala. Ipinakita niyang mahalaga ang nararamdaman ng mga taong nasa gilid ng lipunan. May mga boses na kailangang pakinggan; pinili niyang huwag lang maging superstar kundi maging isang tunay na artista ng bayan. Nilagyan nya ng hugis ang ating mga damdamin at binigyan nya ng direksyon ang ating mga aspirasyon. Binigyan din niya tayo ng pag-asa at tinuruang pwede tayong lumaban upang matupad ang ating mga pangarap. Ipinakita niya sa atin ang kapangyarihang hindi natin akalaing mayron pala ang ordinaryong tao. Ginawa niyang totoo ang ibig sabihin ng sining.
Minsan nang tanungin ko si Guy kung bakit laging malungkot at puno ng damdamin ang mga mata niya, sabi niya, pinaglihi daw kasi siya ng ina niya sa Mother dela Rosa, 'yung birhen na may pitong punyal sa puso. Kaya siguro kahit na nakatawa sya sa mga mata nya ay may lungkot pa rin.
Puno ng kontradiksyon si Guy—simple pero kumplikado. Laging nakangiti pero sa loob ay maraming takot. Sobrang mahiyain pero sentro ng atensyon. Napakataas at nasa pedestal pero napakadaling maabot. Isang taong ordinaryo na extra-ordinaryo.
Sa loob ng halos pitong dekada, tayong mga ordinaryong tao ay ginawa rin niyang extra-ordinaryo. Kaya siguro madalas ay 'di natin malaman kung anong gagawin sa kanya. Hahangaan lang ba natin siya, sasambahin, gagayahin, pag-aaralan?
Bata pa man ay inangkin na natin sya. Hiningi natin ang boses niya, ang buong buhay niya at ng pamilya niya, ang katahimikan niya. Pinakialaman natin bawat galaw niya. Hiningi nating maging ganito siya, maging ganoon siya. Binansagan natin siya ng kung anu-ano. Tinanggalan ng boses hanggang hindi na makakanta. Dalawang beses na pinagkaitan na maging National Artist. Iniwasan ng maraming producer dahil marami daw sakit, mahirap daw makatrabaho.
Kalat na kalat ang mga kwento kung gaano kagalante si Guy. Kapag may nangangailangan, pauutangin niya agad. Ang sweldo niya sa last shooting day ay ipinamimigay niya sa crew at iba pang mga tao sa set. Namigay siya ng pera sa mga preso nung shooting ng Flor Contemplacion.
Hindi naging madali ang buhay ni Guy nitong mga nakaraang taon. Marami siyang sakit at naghirap siya—halos walang mga ari-arian—pero hindi pa rin siya tumigil ng pag-iisip para sa kapakanan ng iba. Gusto niyang magtayo ng isang foundation na tutulong sa mga fans at iba pang nangangailangan.
Buong buhay ni Guy, nagbigay sya nang nagbigay, hanggang sa halos wala nang natira sa kanya. At tayo, dahil nasanay na tayong sya ang bigay nang bigay, madalas ay nakakalimutan natin na siya man ay may mga pangangailangan din. Kaya sa gitna ng ating pagdadalamhati ngayon, gusto nating sabihin sa kanya: Guy, sa ngalan ng milyon-milyong mga taong pinukaw mo, niyakap mo, pinahid mo ang luha, binago mo ang buhay, tanggapin mo ang aming walang hanggang pasasalamat.
Nagpapasalamat kami na nabuhay kami sa isang panahong naririto ka. Minsan lang mangyayari ang isang Nora Aunor. Pero 'di pa tapos ang kwento mo, nagsisimula pa lang. Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi nang walang pagod sa mga susunod pang henerasyon upang hindi nila makalimutan kailanman na minsan sa isang ginintuang panahon ay may isang bituing walang kupas na nagniningning sa kalangitan ng ating mga buhay.
Minahal mo kami nang lubos maski na halos ay wala nang natira para sa sarili mo. Hayain mong mahalin ka rin namin hanggang sa walang hanggan.
Maraming salamat."