Style Living Self Celebrity Geeky News and Views
In the Paper BrandedUp Hello! Create with us Privacy Policy

Toxic positivity: Tama ba maging super optimistic?

Published Jan 06, 2023 8:23 pm

Unang-una, hindi masama ang umasa. Hindi masamang pairalin ang imahinasyon para maabot natin ang dapat abutin. Nakabubuti kung mangangarap tayo, o minsan ay makita natin ang “silver lining” sa oras ng problema.

‘Yun eh kung mayroong silver lining. Ang toxic positivity ay kung mayroon kang nakikitang silver lining kahit wala. 

Sa madaling salita, ang toxic positivity ay ‘yung umaasa tayo labas sa kakayahan nating gawin. Umaasa tayo na gaganda ang ating buhay kahit balubaluktot ito at wala kang ka-effort-effort. Umaasa tayo na magiging magaan ang paglapit ng pera sa atin pero ayaw mong magtrabaho. Habambuhay nga naman may pag-asa, pero galaw-galaw din mga Besh. 

Kumbaga, ang toxic positivity ay iyong umaasa kang sisilakbo ang iyong love life o relasyon kahit hindi ka marunong maligo.

Ang toxic positivity ay kung mayroon kang nakikitang silver lining kahit wala. Sa madaling salita, ang toxic positivity ay ‘yung umaasa tayo labas sa kakayahan nating gawin.

Libre ang mangarap. Libre ang umasa. Ano pa nga bang magagawa natin kundi ang umasa’t mangarap na sana ay luminya sa mga nais natin ang mga bagay-bagay. Pero kung imposible naman ang inaasam-asam natin, maging makatotohanan naman tayo.

Huwag naman iyong lampas-lampas sa langit ang pinapangarap natin kahit pa napakalinaw ring imposible iyong matupad.

Halimbawa na lang sa love life. Gusto mong kuminang ang love life mo ngayong 2023 pero tamad ka namang maghilod. Ang dugyot mong tingnan. Halos takot na takot kang mag-toothbrush. Buti sana kung amoy onion ka. O ‘di ba, yayamanin. Baka may masungkit o madagit ka pang yayamanin ding jowa.

Hanap ka nang hanap ng jojowain pero mas mataas pa sa Mt. Apo ang batayan mo. ‘Wag ganu’n, Beh! Ang paghahanap ng jowang mala-Lee Jong-suk, may kaakibat iyang pagpupursige. May nabasa nga akong article e, sa mga gusto raw na magka-jowa ngayong 2023, magsuot daw ng pink na underwear. Naka pink underwear na ba ang lahat?

Ano pa nga bang magagawa natin kundi ang umasa’t mangarap na sana ay luminya sa mga nais natin ang mga bagay-bagay. Pero kung imposible naman ang inaasam-asam natin, maging makatotohanan naman tayo.

Kapapasok lang ng Bagong Taon. Tiyak na marami na namang naglista ng kani-kanilang New Year’s Resolution. Naku, dati talaga, ginagawa ko iyan. Walang mintis. Tapos excited pa ako sa mga nakalista. Ngiting hanggang tainga kapag may nasusunod sa naisulat na resolution. Pero sad to say, nakaka-disappoint dahil triple ang dami ng mga hindi ko nagawa kumpara sa nagawa ko. Pagdaan ng panahon, naglalaho na. Kinatatamaran na.

Kaya, Ateng, kung gagawa ng New Year’s resolution, doon lang tayo sa abot-kamay.

Trabaho. Ito na nga, tume-trending na naman si Donnalyn Bartolome. Unang linggo pa lang ng taong 2023, may pasabog na kaagad siya sa social media. Ang content niya ay kung bakit maraming sad sa pagbabalik-trabaho. Sinegundahan niya pa ito pagko-commute patungo sa mga raket niya. Nag-commute daw si Gurl. Eh ano ngayon, Gurl?

Katotohanan: oo, kailangan nating maging grateful sa trabahong mayroon tayo. Pero kailangan din nating isipin kung ano bang sakripisyo ang ginagawa ng marami sa atin para sa trabahong mayroon sila. Aminado tayong maraming kababalaghang nangyayari sa trabaho. Overworked ang empleado. May sexual harassment pa nga. Kakarampot na suweldo 

Simpleng komento o tanong: bakit maraming sad sa pagbabalik sa trabaho? Simpleng bagay na nakagawiang gawin sa araw-araw—pagko-commute. Mainit. Siksikan. Kulang na lang magkapalit kayo ng mukha ng katabi mo. Nandiyan pa ‘yung mga bastos. Pero simple o natural man ang mga ito sa nakararami sa atin, may tadyak pa rin iyan sa puso.

Ikaw bilang vlogger o influencer, hanggang saan ang kaya mong gawin para sa content? 

Sa panig ng mga influencer, nawa’y maging sensitive naman sila sa mga ipino-post o ginagawang content. Hindi pa rin dapat nawawala ang salitang “reponsibilidad” at ang kahulugan nito. Isipin din muna ang sasabihin bago i-post. Hindi naman puwedeng makagawian na magkokomento tapos kapag nakatanggap ng kritisismo, saka magso-sorry. Sorry. Tapos wala na. Tapos uulitin ulit. Tipo bang ginagawang joke ang lahat. 

Sa panahon ng fake news, historical distortion at content na may kasinungalingan, oras na para magpakatotoo. Malinaw dapat sa bawat isa sa atin ang ating kinahaharap. Kagaya nga ng sabi ko kanina, aba eh kung gusto mo ng guwapong kagaya ni Lee Jong-suk, galaw-galaw naman, mga beshie.

Ligo-ligo rin ‘pag may time. Gets?