IN FILIPINO: Transcript of Nicholas Kaufman's opening statement at Duterte's ICC confirmation of charges hearing
Following opening statements from deputy prosecutor Mame Mandiaye Niang and the extrajudicial victims' lawyer Joel Butuyan, lead defense counsel Nicholas Kaufman delivered his on Feb. 23, the first day of Rodrigo Duterte's confirmation of charges hearing at the International Criminal Court.
Kaufman dubbed Butuyan's statement as "political demagoguery," former Justice Secretary Jesus Crispin Remulla as unreliable, and gave a geopolitical context to the initial evidence presented by the prosecution.
Below is a Filipino translation of the defense's opening statement by Komisyon sa Wikang Filipino commissioner Benjamin Mendillo.
Maraming salamat, Ginang Moniz. Nagpapasalamat din ako kay G. Batuyan sa kaniyang interbensiyon. Ngunit nais kong ipaalala sa kaniya na ito ay isang hukuman, na nagpapasiya batay sa ebidensiya, hindi batay sa pampolitikang demagohiya, at hindi batay sa pagnanais na magpatupad ng pagbabago ng rehimen sa kabila ng demokratikong kagustuhan.
At tiyak na hindi rin batay sa mga pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na nagsabing ipagkakait umano ang katarungan sa sariling bansa, ayon kay G. Butuyan, dahil sa kakulangan ng forensic report at ulat ng mga pulis.
Ngayon, hindi ko alam kung anong kaso ang tiningnan ni G. Butuyan, ngunit malinaw na hindi niya nabása ang ebidensiya.
Habang nagsasalita siya, sinuri namin ang ebidensiya. Mula sa mga ito, nakita naming hindi bababa sa 35 ulat, na nagpapatunay sa 49 na insidente, na binanggit sa dokumentong naglalaman ng mga sakdal.
Mga Kagalang-galang na Hukom, si Rodrigo Duterte noon at magpakailanman, ay mananatiling isang natatanging penomenon. Naiiba at hindi katanggap-tanggap sa marami ang kaniyang estilo ng pamumuno.
Nakayayamot ang kaniyang pagmumurá at malabis na pananalita, samantala kinaiinisan ang kaniyang pagiging tapat at labis na popularidad.
Nagsasalita siya nang bukal sa damdámin, taos-puso at tapat.
Napakalaki ng pagkakaiba niya at ng kaniyang kahalili sa [Malacañang].
Para kay Pangulong Rody, ang kaniyang salita ay kaniyang paninindigan, at alam iyon ng taumbayan. Ngunit ang kay Pangulong Bongbong, hindi maaasahan ang kaniyang mga salita, at hindi ito malilimutan ng taumbayan.
Nais kong ipaalala sa lahat ang liham na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—na makikita sa screen—nagbigay siya ng matibay na pangako na ang kaniyang pamahalaan, at sinisipi ko, “ay hindi tutulong sa ICC sa anumang paraan o anyo.”
Ngunit tulad ng alam natin, hindi niya tinupad ang pangakong iyon. Si Rodrigo Duterte ay dinakip nang labag sa konstitusyon at biglaang dinala sa The Hague nang walang anumang seremonya. Nang hingan ng paliwanag ang Kalihim ng Katarungan noon, na si G. Jesus Crispin Remulla, sa pagdinig ng komite ng Senado tungkol sa nasabing liham, iginiit niya ang parehong pahayag na hindi totoo. Sisipiin ko ang kaniyang sinabi: “Hindi kami tumulong sa ICC.
Pinanatili namin ang laman ng liham na hindi kami tumulong sa ICC at wala kaming anumang pakikipag-ugnayan sa kanila.”
Iyan ang kaniyang sinabi.
Ngunit sa isang dokumentong nagmula sa kampo ng prosekusyon at ibinigay sa
amin isang linggo lámang ang nakalipas, hindi bílang impormasyon na mahalaga sa paghahanda ng aming depensa, kundi bilang ebidensiyang nagpapawalang-sala, mapatutunayan na namin ngayon ang matagal na naming hinala.
Naglalaman ang dokumento ng transkripsiyon ng tawag sa telepono, na palihim na inirekord, sa pagitan ng apat na tao, na hindi maaaring banggitin sa publiko, isa sa kanila ang nagyayabang, nagyayabang kung paano siya kumikilos bílang tahimik na katuwang ni Pangulong BBM, na namamahala sa isang plano upang magbigay ng mga testigo sa hukumang ito habang tinitiyak na maaaring itangggi ni Pangulong BBM ang pagiging kasangkot niya sa isyung ito.
Kaya’t ang paninindigan ng depensa, layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-neutralize si Rodrigo Duterte at ang kaniyang mga legasiya.
Opo, Ginoong Kinatawang Piskal (Deputy Prosecutor), ginamit ko ang salitáng “neutralize,” na sentro at mahalaga sa inyong teorya ng kaso dahil alam ninyong, tulad ko, na ginamit ko ito nang matalinghaga/metaporikal.
Tutúngo na ako ngayon sa nilalaman ng mga sakdal, ngunit bago iyon, magbibigay muna ako ng ilang salita tungkol sa kontekstong heopolitiko.
Hindi natatangi sa Pilipinas ang salot ng ilegal na droga. Tulad ng alam natin, nagpapahirap din ito sa Latin America,
may tatlong bansa na mas mataas pa ang death rate per capita sa kamay ng mga vigilante at tagapagpatupad ng batas kaysa noong panahon ni Duterte.
At tulad ng dapat ninyong maláman, at maririnig ninyo rin mula sa prosekusyon, ang Pilipinas bílang bansa ay ginagawang transit hub ng trafficking ng droga mula sa mga kartel sa Tsina. May Duterte man o wala, ang aming argumento, patuloy pa ring tataas ang bílang ng mga namamatay.
Sa katunayan, patutunayan namin sa pamamagitan ng estadistika at mga ulat, na ang death rate na may kaugnayan sa krimeng may kinalaman sa droga ay tumaas matapos bumabâ sa puwesto si Rodrigo Duterte.
Nasaan ang International Criminal Court noon?
Ngayon, isang kasamahan ng kinatawan ng biktima ang nakaupo sa tapat, na self-styled legal assistant sa Konseho ng ICC, ang nagsasabi sa kaniyang mga interview sa midya na ang ginawa ni Rodrigo Duterte ay hindi giyera laban sa droga kundi giyera laban sa mahihirap.
Giyera laban sa mahihirap? Kung mayroon man, ang ganap na legal na kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga at sa mga supplier nito ay isinagawa nang ang kaniyang administrasyon ay aktibong nagsusulong ng mahahalagang redistributive policies, na lahat ay may layuning maibsan ang kahirapan: repormang pambatas noong 2017 upang bawasan ang personal na income tax ng mga manggagawa; pagpapalawak ng social protection na kilalá bílang 4Ps na nagbibigay ng regular na cash transfer sa mga nangangailangang pamilya; universal health care; at ang Magna Carta ng mga Mahihirap,—na nagtatakda ng karapatan sa sapat na pagkain, desenteng tiráhan, edukasyon, at mas mataas na antas ng kalusugan.
Ang katotohanang, karamihan sa mga namatay dahil sa krimeng may kaugnayan sa droga ay mula sa pinakamahihirap na lugar ay isang sitwasyong makikita sa mga apektadong lipunan. Ngunit mayroon bang makapagsasabi na ang táong ito, si Rodrigo Duterte, na alam ng marami na namuhay nang payak, ay nagpahirap sa mga nangangailangan?
Siya ang táong, dumating siya sa Davao sa edad na lima, tumira sa isang payak na barung-barong na tumutulo ang bubong kapag umuulan, kaya gumagapang siya sa ilalim ng mesa para sumilong . Hindi siya ang táong ipinanganak na mayaman at pinalaki upang maging pangulo.
Siya ang táong, anak ng abogado at gobernador na nagturo sa kaniya ng disiplina, pagpapahalaga, at respeto sa mga tao sa pamamagitan ng pagiging katulad nila.
Siya ang táong, naging pangulo ngunit tumanggi sa karangyaaan at pribilehiyo ng pagkakaroon ng mataas na
katungkulan, at katulad ng mga nauna sa kaniya, at maging ng mga sumunod sa kaniya, hindi siya natulog sa maringal na karangyaan ng Malacañang, kundi sa simpleng tiráhan ng kaniyang mga bodyguard.
Ang kaniyang kinakain ay hindi mámaháling hiwa ng báka na gáling sa Australia kundi tuyo at kanin. Siya ay táong simple ang kaligayahan, ang kaniyang kaligayahan at wala sa mga cocktail party ng Forbes Park, kundi nása lansangan, kung saan siya paikot-ikot at nagmomotorsiklo, hindi para maghanap ng papatayin, Ginoong Piskal, kundi halos mapatay na ang kaniyang sarili dahil sa matulin na pagpapatakbo.
Siya ang táong nagsikap at nagtaguyod sa sarili upang makapagtapos ng abogasya, at nakapasa sa bar exam noong 1972, halos kasabay ng paggulong ng mga tangke ni Marcos Sr. sa mga lansangan matapos ideklara ang Batas Militar.
Sa mahalagang araw na iyon, namulat si Duterte sa paniniil at pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga nasa itaas ng lipunan. Nagpasiya siya.
Sa araw na iyon, pinili niyang ialay ang sarili sa isang búhay nang walang pag-iimbot sa paglilingkod sa bayan. Bílang propesor sa lokal na akademya ng pulisya at bílang piskal sa Davao, nabuo kay Rodrigo Duterte ang panghabambuhay na malasákit—may ilan pang nagsasabing matinding pagkahumaling sa batas at kaayusan, na kaniyang buong tapang na ipinatupad sa kabuoan ng kaniyang panunungkulan bílang alkalde ng Lungsod Davao; hindi, gaya ng sinasabi ng piskal, sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng pagpatay at kaguluhan, kundi sa pamamagitan ng pagkamit ng pagmamahal, paggalang, at paghanga ng kaniyang mga kapuwa mamamayan—ang mismong mga mamamayang paulit-ulit siyang inihahalal, termino pagkatapos ng isa pang termino, nang hindi bababà sa pitóng beses sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Sa loob ng halos 20 taon niyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao, binago ni Rodrigo Duterte at ng kaniyang pamilya ang lungsod mula sa isang lugar na may insurhensiya ng mga komunista at karahasang kriminal túngo sa pagiging isa sa pinakaligtas na lungsod hindi lámang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ito ang tinaguriang “Davao model” na gustong paniwalaan ng piskal na isa umanong palihim na katawagan para sa walang habas na karahasang kriminal.
At ito ang uri ng lider na nais ng sambayanang Pilipino noong 2016.
Kayâ si Rodrigo Duterte ay nahalal sa kapangyarihan hindi sa kabila ng, kundi dahil mismo sa kaniyang matatag at hindi matitinag na paninindigan sa pagpapatupad ng batas at kaayusan.
Matapos mahalal bilang pangulo, nanatili siyang tao ng bayan, na hindi naghahangad na ituring siyang mas mataas sa taong-bayan. Masigla at direkta, palaban ang tono, at prangkang magsalita, at hindi sa paraang nakabatay sa pandaigdigang diplomasya. Sinabi niya ang nais marinig ng mga tao, ngunit sa paraang nakasakit sa sensibilidad ng mga pinuno ng mundo na hindi sanay makarinig ng ganoong pananalita.
May isang pangyayari na naging mitsa upang mapunta siya sa selda ng The Hague. Hayaan ninyong ipaliwanag ko kung paano ito nangyari.
Nagsisimula ito sa midya, na kontrolado ng mga makapangyarihan at maimpluwensiyang sa politika. Sa pamamagitan ng mga sensational na pamagat at baluktot na pananaw sa editoryal, naibebenta ng mga mogul ang kanilang mga pahayagan habang itinataguyod ang partidistang adyenda ng kanilang mga makapangyarihang tagasuporta. Itinatampok nila ang mga mapang-akit na detalye habang binabalewala ang tunay na konteksto sapagkat iyon ang nakakukuha ng interes ng mambabasá.
Ganito rin ang nangyari kay Rodrigo Duterte, ang kaniyang mga talumpati ay naging target ng kaniyang mga kaaway at kritiko. Ang kaniyang pagmamalabis, matitindi, at retorikang pahayag, kapag nailathala ay naging puntirya ng mga privately funded NGO at mga aktibista ng karapatang pantao, na mas kilalá bílang civil society.
Dumagsa ang mga ito sa Pilipinas upang isulong ang isang adyendang mas kulang pa sa pagiging obhetibo kaysa sa midya. Malalaki ang kanilang pondo mula sa mga negosyanteng may mas malalaking plano, at inilalathala nila sa makikinang na papel ang mga ulat na punô ng mga larawang tumatagos sa damdámin, mga nagdadalamhating pamilya at mga bangkay na nabasâ ng ulan mula sa pinangyarihan ng krimen sa gabí, maliwanag na tinatamaan ng neon na ilaw. Mga larawang sadyang inihanda upang gulatin ang budhi at pukawin ang damdamin, at masasabing, upang gamitin ng piskal kahit hindi naman tuwirang may kaugnayan sa mga sakdal.
Binibigyan nila ng matitinding pamagat ang kanilang mga ulat, na tíla hinango sa pelikulang James Bond, tulad ng “License to Kill,” “One Shot to the Head,” “You Can Die Anytime,” o simpleng “They Just Kill.”
Ang mga litratista ay kinikilala at ang kanilang mga larawan ay inieksibit bílang sining sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang matatapang na mamamahayag na nagsisilbing sanggunian ay tumatanggap ng mga parangal at Nobel Prize. At unti-unti, ang kanilang naratibo ay nagiging tila banal, hindi matututulan, at hindi matitinag na katotohanan.
Kayâ naman tumitindi ang mga pangyayari, at ang mga progresibo at makakaliwang akademiko na mula sa malalayong unibersidad na nása Estados Unidos ay ipino-post ang kanilang mga pananaliksik at inilalathala ang kanilang mga artikulong nagpapakita ng krimen laban sa sangkatauhan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan. Itinuturo nila ang isang tao lámang, isang tao lámang, ipakakalat ang islogang, pananagutan (accountability) at pagwawakas sa kultura ng
kawalang-pananagutan (prevention of impunity). Nagbibigay sila ng payo kung ano ang dapat gawin, minsan mga akademiko na nakatrabaho ng piskal sa International Criminal Court. Isinampa ang mga komunikasyon at reklamo, gaya ng sinasabi nila, ang iba ay kasaysayan na.
Sa anumang kaso, hindi táyo nagtipon dito upang hatulan ang isang tao batay sa kaniyang masamáng ugali o bulgar na pananalita. Ang hukumang ito ay nagdaos ng pagdinig upang tiyakin kung may sapat na batayan upang paniwalaang si Rodrigo Duterte, ang pangulo ng taumbayan, kasama ang ilan pang tinatawag na kasabwat, ay bumuo ng patakarang kriminal ng malawakan at walang habas na pagpatay.
At sapagkat táyo ay nása isang hukuman, mahalagang bigyang-diin, bagaman hindi ko na sana kailangang gawin pa, na ang mga kaso ay pinagpapasiyahan batay sa ebidensiya, hindi sa haka-haka, hindi sa tsismis, at lalong hindi batay sa retorikang pampolitika at pagbubuhat ng sariling bangkô. Sapagkat sa hulí, kung hindi dahil sa mga mapanghamon at
kontrobersiyal na talumpating iyon, hindi sana nagkaroon ng udyok upang dalhin ang pangulo ng taumbayan sa The Hague.
At kapag sinuri ang ebidensiya ng prosekusyon, hinihiling ko sa inyo na panatilihin ang isang bukás na isipan at tanungin hindi lámang kung ang ebidensiyang iyon ay iniharap mula sa pinagpili-pilian, kundi kung may umiiral pang ebidensiya na hindi naiharap ng prosekusyon.
Sinasabi ko ito nang may makatarungang batayan, lalo na kaugnay ng pananalita ni Duterte, sapagkat mapatutunayan namin sa pangunahing bahagi ng aming mga pagsusumite na ang mga sinasabing talumpati na pinagbabatayan ng prosekusyon ay pinili lámang (cherry-picked) upang umangkop sa
kanilang salaysay, habang binabalewala ang marami pang ibang talumpati na pinahina ng dáting pangulo ang kaniyang bombastikong pananalita sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy sa prinsipyo ng makatarungang pagtatanggol sa sarili.
Kaming nasa depensa, ay nagbasa ng napakaraming talumpati. Sa katunayan, sa aming maliit at masikip na opisina, sa pinakatuktok na palapag ng pinakalayong gusali sa kompleks na ito, mayroon kaming tagabilang. At tuwing makababása kami ng talumpating salungat sa teorya ng prosekusyon sa pagpaslang sa pamamagitan ng pagtukoy sa self-defense, kami’y nagbubunyi, at ipinagdiriwang namin ang isa na namang dagdag na ebidensiya na nagpapahina sa argumento ng prosekusyon.
Batay sa estadistika hanggang ngayon, taliwas sa 20 talumpating pinanghahawakan ng prosekusyon upang patunayan ang pang-uudyok na pumatay, nakatagpo kami ng 35 pa na kabaligtaran ang sinasabi. Hayaan ninyong magbigay ako ng dalawang halimbawa mula mismo sa mga talumpating binanggit ngayon ng Kinatawang Piskal.
Una, pumunta táyo sa tanyag na talumpating “Pieta” na binanggit ng Kinatawang Piskal. Ito ang siping binása niya:
Ito ang sinabi ng Kinatawang Piskal: “Kayong mga matino pa, kayong hindi pa sumusubok ng ilegal na droga, kung ayaw ninyong mamatay o masaktan, huwag kayong umasa sa pari, pati na sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Hindi nila mapipigilan ang kamatayan,” at nagpapatúloy pa iyon.
Ngunit kung titingnan pa natin sa mismong talumpating iyon—isang bagay na marahil ay hindi ginawa ng Kinatawang Piskal, ito ang sinabi niya: “Sa ating mga pulis at iba pang opisyal, gawin ninyo ang inyong tungkulin at magkakaroon kayo ng buong suporta mula sa Tanggapan ng Pangulo.
Sasamahan ko kayo hanggang sa dulo. Kapag inabuso ninyo ang inyong kapangyarihan, may kapalit iyan, sapagkat magiging mas masahol pa kayo kaysa sa kriminalidad mismo.”
Kitang-kita sa inyong harapán. PEXO, may ebidensiyang nagpapawalang-sala sa loob mismo ng inaangking ebidensiya ng prosekusyon sa mga usaping kriminal.
Hindi ko na gugugulin ang oras ninyo upang ipakita ang ikalawang talumpati, ngunit mayroon nito. Kung may oras pa, ipapakita ko ito.
Kung idaragdag pa natin ang 10 pang talumpati mula sa 20 na pinagbabatayan ng prosekusyon sa kanilang dokumentong naglalaman ng mga sakdal, pagkatapos ng lahat, nása hukuman táyo at sa ebidensiya táyo umaasa. Ano nga ba ang ebidensiyang iniharap tungkol sa mga talumpating ito? Dalawampu ang mga ito; at sampu sa mga iyon, igigiit at ipapakita namin sa mahalagang bahagi ng aming mga isinumite ay naglalaman ng ebidensiyang nagpapawalang-sala na susuporta sa teorya ng depensa.
Sa madaling sabi, kung idaragdag ang 10 na natukoy namin mula sa 20 ng prosekusyon sa aming kabuoang 35, aabot tayo sa 45 talumpati laban sa 10 na sinasabi naming sumusuporta lamang sa paggamit ng puwersa sa konteksto ng pagtatanggol sa sarili. Iyan ay 350% na mas maraming talumpati na pabor sa aming depensa at 350% na mas maraming dahilan upang hindi pagtibayin ang mga sakdal.
At makasisiguro kayo na sa pagtatapos ng pagdinig ngayong araw, alinman sa self-styled legal assistant ng biktima sa ICC counsel o isang intern ng prosekusyon ang uutusan upang manaliksik sa internet para patunayang mali si Kaufman. At ipahahayag ko ito nang malinaw at malakas, na para bang hindi pa ito alam ng prosekusyon: Hindi sapat na sabihin na dahil ang dating pangulo ay nagbitiw ng mga lubhang mapanudyok na pahayag at may mga namatay, siya ay awtomatikong may pananagutang kriminal sa mga pagkamatay na iyon.
Sa bahaging ito ng mga pagdinig, kailangang ipakita ng prosekusyon na may sapat na batayan upang paniwalaan na talagang ninais at nakita ng dating pangulo na may mga táong mapapatay bilang resulta ng kaniyang mapanulsol na pananalita.
Upang igiit ng prosekusyon na hiniling ni Duterte na maganap ang mga pagkamatay na ito, o ay lantarang walang pakialam sa kung magaganap ang mga pagkamatay na ito, hindi iyan nakasasapat. Kayâ naman, muli, upang maitala: ang mga salita ni Rodrigo Duterte ay hindi nakatuon sa mga pinaghihinalaang nagtutulak ng droga gaya ng sinasabi ng prosekusyon, kundi nakadirekta sa mga lumalason sa lipunan sa pamamagitan ng mga sangkap na ito, at nang, binibigyang-diin ko, walang intensiyong makapatay.
Ang kaniyang pananalita ay sadyang binalangkas upang pumukaw ng tákot at pagsunod, upang magtanim ng takot sa kanilang mga puso, at upang itanim sa kanilang mga isipan ang paggalang sa batas. Walang labis, walang kulang. Iyon ang kaniyang layunin, at iyon ay hindi pangkriminal. At marami sa mga nagtutulak ng droga ang kusang-loob na nagnais pumasok sa bilangguan; natatandaan kong nakita ko sa telebisyon ang mga larawan ng nakapila sila upang sumuko at magpakulong.
Ngayon, hinahamon ko ang aking mga kasamahan sa kabiláng panig na patunayan ang kabaligtaran. Sapagkat gaya ng alam nating lahat, sa isang prosesong pangkriminal, ang pasanin ng pagpapatunay ay nása prosekusyon. Sila ang nagdala ng kasong ito, at sila ang kailangang magpatunay rito.
Hindi kailangang kumbinsihin ni Rodrigo Duterte ang mundo tungkol sa anuman, at ito ay magandang kalamangan para sa kaniya, lalo na sa kaniyang kalagayang medikal ngayon. Matatag siyang nakatindig sa likod ng kaniyang legasiya, at lubos niyang pinaninindigan ang kaniyang kawalang-sala.
Ngayon, tutúngo ako sa usapin ng pagiging patas at obhetibo ng imbestigasyon sa pangkalahatan, na gaya ng alam nating lahat ay dapat na walang kinikilingang proseso ng pangangalap ng ebidensiya.
Bílang isang dáting piskal, sanáy na ako sa pag-iimbestiga ng mga ahensiya, ginagawa ko ang lahat ng makatwirang linya ng pagsisiyasat, tinitipon at tinitimbang ko ang lahat ng mga testimonyo, at sinusuri ang lahat ng dokumentasyon at ebidensiyang forensic bago magrekomenda kung sino ang dapat sampahan ng kaso, ngunit hindi ganiyan ang inásal ng prosekusyong ito.
Noong kami, ang depensa, ay sumusuri sa naging takbo ng imbestigasyon sa kasong ito, napakalinaw ng isang bagay: ang púnong tagausig ng Hukumang ito, si G. Karim Khan, ay hindi lámang lubhang nabigong gampanan ang kaniyang mga tungkulin sa ilalim ng Rome Statute, na nag-uutos sa kaniyang suriin kapuwa ang mga pangyayaring nakapapawalang-sala at ang mga nakapagpapabigat, kundi siya mismo ang, ayon sa aming alegasyon, itinulak niya ang kampanya sa iisang direksiyon lámang, na tíla may nauna nang napagpasiyahang layunin.
Magbibigay ako ng paliwanag. Bagaman pormal na pinahintulutan ng ICC ang isang imbestigasyon sa tinatawag na kalagayan ng Pilipinas noong hulíng bahagi ng 2021, ipinagpaliban ito makalipas ang ilang buwan at ibinalik sa Pilipinas, at ang opisyal na imbestigasyon ay muling ipinagpatuloy lámang noong hulíng bahagi ng 2023.
Ngunit ang tunay na ubod ng imbestigasyon hinggil sa Bílang 1, na may kaugnayan sa mga gawain ng umano’y kathang-isip na tinatawag na Davao Death Squad, ay matagal na talagang nagsimula bago pa iyon, na ang tanging layunin ay maidiin si Rodrigo Duterte.
Sa katunayan, noong 2018 pa lámang, sa panahon ng tinatawag nilang paunang pagsusuri, may isang indibidwal na napunta sa prosekusyon nang walang kahirap-hirap, na tinukoy bílang P1. Ang P1 na ito ay nainterbiyu na sa mas naunang petsa ng walang iba kundi si Chief Prosecutor Karim Khan sa kaniyang dáting katungkulan bílang pribadong abogado at nagpakilala sa sarili bílang pinunò…
[Naputol ang transmisyon mula sa ICC]
…At ano nga ba ang impormasyong iyon na tíla buong siglang ibinigay ni Karim Khan sa kaniya? Isang aklat na inaasahan ng prosekusyon bílang ebidensiya: Isang walang silbi at mapanirang akda ng kathang-isip na pinamagatang Duterte Harry. Mga Kagalang-galang na Hukom, ang larawan sa pabalat ng aklat na iyon ay nagsasabi na ng lahat. Kitang-kita na obhetibo ito, hindi ba? Sarkastiko ang pagkakasabi ko niyan, siyempre.
Sa kabutihang-palad para sa amin, ang depensa, ang appeals chamber ay nagpasiyang i-disqualify si Púnong Piskal Kareem Khan mula sa kasong ito; isang hakbang na aming tinatanggap bílang pagsunod sa etikal na pamantayan.
Subalit, sa aming pananaw, hulí na ang lahat upang maisalba ang integridad ng imbestigasyon na kaniyang pinangasiwaan; isang imbestigasyon na sa takbo nito ay itinago niya ang kaniyang dáting gampanin bílang abogado ng mga biktima, kayâ’t itinuring ang aming kliyente bílang pinaghihinalaang mamamatay-tao mula pa noong 2018 at hanggang sa mismong araw bago nagpalabas ang pre-trial chamber na ito ng kautusan sa pag-aresto.
Mga Kagalang-galang na Hukom, sa mga susunod na araw, umaasa kaming makukumbinsi kayo sa ganap na kakulangan ng ebidensiya laban kay Rodrigo Duterte. Ipakikita namin na ang kakaunting talumpating pinanghahawakan ng prosekusyon ay hindi nagpapakita ng layuning pangkriminal.
Kukumbinsihin din namin kayo na gaano man sila nagsikap, nabigo ang mga imbestigador ng prosekusyon na makakuha ng kahit isang kriminal na nakikipagtulungan sa kanila, na ang pagiging mapagkakatiwalaan ay halos wala, na umamin na narinig nila ang dáting pangulo, si Rodrigo Duterte, na nagbigay ng utos na pumatay sa alinmang panahong may kaugnayan sa mga paratang, o kaugnay ng alinman sa mga insidente.
At umaasa kami na sa pagtatapos ninyo ng inyong mga deliberasyon, mga Kagalang-galang na Hukom, ay ibabasura ninyo ang mga sakdal na ito na lubhang walang batayan at may motibong politikal. Hihilingin namin sa inyo na pauwiin si Rodrigo Duterte sa kaniyang pamilya at ibalik sa sambayanang Pilipino ang kanilang Tatay Digong.
Maraming salamat po, mga Kagalang-galang na Hukom.
PhilSTAR L!fe, in partnership with Komisyon sa Wikang Filipino, is providing translations of Duterte's pre-trial hearing into Filipino and Cebuano. Know more about Komisyon sa Wikang Filipino via its official website as well as Facebook and Instagram.
Find out what happens next after the former president's confirmation of charges hearing here.
