Style Living Self Celebrity Geeky News and Views
In the Paper BrandedUp Hello! Create with us Privacy Policy

Hindi lang boss si Mike Enriquez, kundi parang pangalawang ama

Published Sep 01, 2023 6:11 pm Updated Sep 01, 2023 11:32 pm

Ang relasyon namin ni Miguel Castro Enriquez ay parang ‘father and son.’ I lost my father noong 1994, yan yung time naman na kalilipat lang niya sa DZBB sa GMA.

Hindi ko malilimutan yung araw na after may radio program, kailangan kong dalhin sa hospital ang father ko dahil di na makaya ang nararamdaman.

Wala akong sasakyan noon, kaya pumunta ako sa office ni Mike para hiramin yung isang service pickup ng Radio. Di na siya nagdalawang isip at agad pinakuha ang susi.

Nang mawala ang Daddy ko, si Mike na ang parang naging pangalawang ama ako.

Through the years, hindi ko lang naging boss si Ama. Kahit mga personal kong problema ay nailapit ko sa kanya at hindi niya ako iniwan o pinabayaan. Feeling ko, ako yung pinapangarap niyang anak. 

Si Mike is a good listener. Hindi judgmental. Binabalanse niya ang bawat situation at papayuhan ka kung ano ang tama.

He also had a big heart para sa kapwa kaya siguro limang ugat ng puso niya ang nagkaroon ng bara. At ayaw na ayaw niyang ibo-broadcast ang mga ginagawa niyang tulong. 

Hindi madamot si Mike. Ilang beses na akong Saksi pag nakakantyawan siya sa GMA at DZBB na manlibre, maggagalit-galitan pero may darating na pagkain.

Ang hinangaan ko kay Ama, sa kabila ng kanyang katanyagan, nanatili siyang humble at di-makasarili. 

Lagi siyang nagkukuwento sa akin ng kabataan niya sa Sta. Ana, Maynila. Mga kalokohan niya noon na halos katulad din ng paglaki ko rin sa Tondo, Maynila. 

Magkaharutan kami madalas ni Ama. Sa tuwing magpapalit kami ng puwesto sa upuan sa DZBB, lagi niya akong hinahampas sabay tawa.

Minsan nagkabiruan na tatakbo kaming dalawa sa Maynila—siya ang Mayor at ako ang kanyang Vice Mayor. Pero hanggang biro lang yun. Kapwa kami naniniwala na mas mapaglilingkuran namin ang mga Pilipino sa telebisyon at radyo.

@gmanews

SALAMAT SIR MIKE Ibinahagi ni GMA Integrated News anchor Arnold Clavio sa Instagram ang kaniyang mensahe ng pamamaalam sa pumanaw na veteran broadcaster na si Mike Enriquez. "Paalam aking Ama, kaibigan, mentor, kasabwat, boss at higit sa lahat ‘tagapagtanggol," saad ni Arnold sa kaniyang post. COURTESY: Arnold Clavio IG/TK

♬ original sound - GMA News

Istrikto at disiplinado. Kabiruan mo kanina pero pag may nakitang mali, hindi ka niya tatantanan! 

Isa siyang mabuting tao. Ramdam ko ang pagmamahal at kalinga niya sa akin hanggang kamatayan. 

Nang mapansin ko ang pagbagsak ng kanyang kalusugan, hindi ko siya tinigilan na sabihan na magpatingin na sa doktor. Kahit galit na galit siya sa akin, di ako tumigil sa pagpapaalala araw araw sa programa namin sa radyo. Sinisi pa nga niya ang pagpapahirap ko sa kanya sa paghula sa SINO Blind Item segment kaya daw siya nai-stress.

Hanggang nagsabi na ako kay Tita Babes (wife of Mike Enriquez) na dalhin na niya si Ama sa ospital. Doon siya lalong nagalit sa akin. Ayaw kasi ni Mike na mandamay sa kanyang nararamdaman.

Kahit pa nung nahihirapan na siya, ayaw niyang tutulungan o aalalayan mo siya sa paglalakad o pagbaba ng hagdan. “Hindi pa ako patay. Kaya ko itong mag-isa.”

Minsan bumagsak siya sa radio booth sa harap ko. Pinilit ko siyang saluhin pero di ko nakaya. Natuluyan siya hanggang humampas ang ulo sa sahig. 

Iyun na ang huli naming pagkikita.

Noong November, tinawagan ko siya nang unang kumalat sa social media na ‘namatay na siya.’ Sa Globe number niya, busy tone. Sa Smart phone niya, after ilang rings, may sumagot, babae. 

Babae: “Hello….”

Ako: “Hello, si Mike…”

Sa malungkot na boses, “eto po …”

Hinihintay ko na ang karugtong, “inabutan na po namin na wala nang hininga.”

Biglang, “Hello, sino ito?” 

“AMA!” Palakpakan kaming lahat sa newsroom.

“Ama may kumakalat pong balita na patay na po kayo…”

“Ha?!? Fake news yan.” 

“Oo naman. Kausap nga kita eh. Puwede ko bang ibalita na di totoo?” 

“Sige.” 

“Kailan po kayo babalik?”

“Malapit na. Nasa doktor yan kung papayagan ako.“

 “Salamat Ama. Palakas ka po.”

Noong Lunes, tinext ko si Tita Babes. “Hello Tita Babes. Musta na po si Ama. Praying for his fast recovery.” 

Bigla kong naalala si Ama. Magkasunod kasi akong namatayan ng malalapit na kaibigan—si Mario Casayuran ng Manila Bulletin at si DMW Sec. Toots Ople. Sabi nga, tatluhan yan at ayoko naman na si Mike pa ang susunod. 

Walang sagot si Tita Babes. 

At nang matanggap ko noong Martes ang tawag ni Joel Reyes Zobel para ipaalam na wala na si Mike… na-blangko na isip ko.

Nang gabing iyon dumiretso na ako sa St. Lukes sa E. Rodriguez. Di ko alam kung paano ako nakarating. Nang samahan ako ng security guard sa ICU at morgue, nanlamig na ako. Di ko kinayang makita si Ama na wala nang buhay. 

Nagkita kami ni Tita Babes at humingi siya ng paumanhin, “Sorry di kita nasasagot. Ayokong magsinungaling.” 

Ama, salamat. Masama ang loob ko sa di mo pagsagot sa text ko kapag kinukumusta kita at binabati sa mahahalagang okasyon. 

Pero nauunawaan ko na ngayon. Tinuruan mo akong maging ulila. Sinanay na di ka hanapin. Na pagdating ng araw na ito ay mabawasan man lang ang aking hinagpis at kalungkutan.

Mapayapang paglalakbay, Ama. Wala nang hirap at dusa. At pagsapit mo sa pintuan ng langit, ikaw naman ang sasabihan ng…

“MIKE , PASOK!!!”

*** 

GMA News broadcaster Mike Enriquez passed away on Aug. 29. He was 71.