TRANSKRIPSIYON: Pambungad na pahayag ng kinatawang piskal ng ICC na si Mame Mandiaye Niang

By PhilSTAR L!fe Published Feb 28, 2026 5:12 pm Updated Feb 28, 2026 5:19 pm

On Feb. 23, the first day of Rodrigo Duterte's confirmation of charges hearing at the International Criminal Court, deputy prosecutor Mame Mandiaye Niang delivered an opening statement that emphasized the former president's "pivotal" role in extrajudicial killings carried out during his terms as Davao City mayor then as president of the country.
 
Below is a Filipino translation of the prosecution's opening statement by Komisyon sa Wikang Filipino commissioner Benjamin Mendillo.

Mahal na Pangulo, kagalang-galang na miyembro ng hukuman, lahat ng mga sumusubaybay sa paglilitis na ito sa loob ng silid-hukuman at sa labas nito, at lalo na sa mga nasa Pilipinas—ang araw na ito ay tanda ng mahalagang araw para sa pandaigdigang hustisya para sa mga mamamayan ng Pilipinas, para sa mga biktima at para sa hukuman. Ang pagsisimula ng pagdinig para sa kumpirmasyon laban kay G. Rodrigo Roa Duterte ay isang paalala ng matatag na paninindigan sa misyon nito na imbestigahan at usigin ang mga indibidwal para sa pinakamabibigat na krimen na ikinababahala ng pandaigdigang komunidad, at maghatid ng hustisya sa libo-libong biktima ng malawakang mga krimen at kalupitan na ginawa sa Pilipinas. Ito rin ay paalala na ang mga nása kapangyarihan ay hindi nakahihigit sa batas.

Kagalang-galang na Hukom, sa loob ng susunod na humigit-kumulang 20 minuto, aking ibibigay ang overview ng ebidensiya ng kasong ito na nagpapakita na si Ginoong Duterte ay may pananagutan sa mga inihain na krimen. Pagkatapos nito, ang aking grupo ay magpapalawig sa ilang bahagi ng ebidensiyang ito nang mas detalyado.

Ang kasong ito na nása harap ninyo ngayon ay naririto dahil may matibay na batayan upang paniwalaan na si Ginoong Duterte ay may pananagutang pangkriminal sa tatlong bílang ng pagpatay na nabanggit, tangkang pagpatay, bilang mga krimen laban sa sangkatauhan. Ang mga krimen na inihain ay ginawa sa panahong saklaw ng hurisdiksiyon ng hukuman, mula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019. Sa simula, ang mga ito ay ginawa sa at paligid ng Lungsod Davao, kung saan si Ginoong Duterte ay alkalde, at kalaunan ay ginawa rin sa iba pang bahagi ng Pilipinas nang siya ay naging Pangulo.

Si Ginoong Duterte ay kinasuhan ng 49 insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay na may 78 biktima, kabílang ang mga bata. Ang mga pagpatay at tangkang pagpatay na ito ay naging bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake, na sa pangkalahatan ay nagresulta sa pagkamatay ng libo-libong mga sibilyan sa iba’t ibang panig ng bansa sa nasabing panahon. Kung gayon, ang mga kaso na inihain ay maliit na bahagi lámang ng kabuoang kriminalidad na resulta ng tinaguriang “giyera kontra droga” ni Ginoong Duterte.

Ano ang naging pangunahing ambag ni Ginoong Duterte? Kagalang-galang na Hukom, Si Ginoong Duterte ay gumanap ng mahalagang papel sa pagsasakatuparan ng mga krimen na inihain. Ang kaniyang ambag ay esensiyal sapagkat siya ang pinakasentro ng iisang plano na, sa sarili niyang pahayag, ay naglalayong “i-neutralize” ang mga pinaghihinalaang  kriminal sa Pilipinas, kabílang na sa pamamagitan ng pagpatay. Kabílang sa mga biktima ang mga táong iniuugnay o pinaghihinalaang may kaugnayan sa droga. Isa sa mga unang ginawa ni Ginoong Duterte noong siya pa ang alkalde ng Davao noong 1988 ay ang paglikha ng kilaláng Davao Death Squad, na kilalá rin bílang DDS. Gaya ng makikita sa pre-confirmation brief, personal na inutusan ni Ginoong Duterte ang mga kasapi ng Death Squad at sinabi na ang kanilang misyon ay pumatay ng mga kriminal, mga pinaghihinalaang kriminal, kabílang ang mga gumagamit at nagbebenta, na tinatawag ding nagtutulak ng droga. Ipinagpatuloy ng mga death squad ang misyong ito hanggang sa loob ng saklaw na panahong tinutukoy sa sakdal mula 2011 hanggang 2016, na isinagawa ang mga krimen na nakasaad sa Unang Bílang.

Kagalang-galang na Hukom, ang planong krimen ni Ginoong Duterte at ang kaniyang layunin ay hindi lihim. Ibinahagi niya ito, hindi lámang sa kaniyang mga kasabwat at sa mga kasapi ng death squad, kundi malinaw din niya itong ipinahayag sa pangkalahatang publiko sa pamamagitan ng maraming pampublikong pahayag na paulit-ulit niyang ginawa. Sa panahon ng kaniyang kampanya sa pagkapangulo, tahasang ipinangako ni Ginoong Duterte na ipatutupad ang pinagkaisahang plano na i-neutralize ang mga pinaghihinalaang kriminal sa buong bansa, kung siya ang mahalal. Ito ang kaniyang programa upang mahalal. Ipinahayag niya sa publiko ang kaniyang layunin na labánan ang korapsiyon, kriminalidad, at droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. At ito ang kaniyang sinabi. Ayon sa kaniya, “Kung ako ang magiging pangulo, uutusan ko ang militar at ang pulisya na tugisin ang mga drug lord, ang malalakí, at patayin sila." Iyan ang kaniyang sinabi. At matatagpuan ito sa unang 12 sa listahan ng mga ebidensiya ng prosekusyon. Gayundin, kapag pinag-usapan ang tungkol sa mga gumagamit ng droga, uulitin ko ang sinabi niya, sa isang panayam sa telebisyon noong 2015, naritong muli ang kaniyang sinabi, “Kung maging pangulo ako, mauubos kayong lahat. Iuutos ko ang pagpatay sa inyo sa loob ng 24 oras.” Iyan ang kaniyang sinabi. Na sinipi ko mismo mula sa kaniyang ginawa. At ang siping ito ay matatagpuan sa 19.2 ng listahan ng mga ebidensiya ng prosekusyon ARNPHL-OTP-401684, pahina 003, at linya 82 at 83.

At nahalal nga siya. Naging pangulo noong 30 Hunyo 2016, at ito ang nagbukas sa kaniya ng oportunidad na isakatuparan ang kaniyang ipinangako na palawakin ang extrajudicial killing ng mga pinaghihinalaang kriminal sa labas ng Davao at iba pang bahagi ng Pilipinas. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng National Anti-Illegal Drug Campaign, na kilalá bílang Giyera Kontra Droga ni Duterte at ang proyekto nito na Double Barrel.

Naisagawa ito sa pamamagitan ng pambansang network na binubuo ng mga opisyal na nagpapatupad ng batas katuwang ang mga hindi pulis at mga hitman. Pinahintulutan ni Ginoong Duterte ang pagpatay at personal niyang pinili ang ilan sa mga target. Sa panahon ng kaniyang pagiging alkalde, kinakailangan ang kaniyang pahintulot upang maisakatuparan ng DDS ang mga pagpatay. Ibig sabihin, kailangan ng mga kasapi ng DDS ang hudyat ni Ginoong Duterte upang isagawa ang pagpatay.

At sa panahon ng kaniyang panunungkulan bílang pangulo, patuloy siya sa personal na pagtukoy ng ilang mga target, kabílang ang pagsasapubliko ng mga pangalan ng pinaniniwalaan niyang sangkot sa ilegal na droga o iba pang anyo ng kriminalidad. Tinukoy din niya ang mga target sa pamamagitan ng pagpapakita ng listahan ng pangalan ng mga ito. Kung nása listahan ka, papatayin ka. At ito ang sinabi ng isa sa mga saksi ng prosekusyon. At ang ebidensiyang ito ay matatagpuan sa tab 54 ng listahan ng ebidensiya ng prosekusyon, pahina 009, at ang mga kaugnay na linya ay 260 hanggang 2261. 

Nagbigay din si Ginoong Duterte ng moral at pinansiyal na suporta sa kaniyang mga direktang kasabwat. Sa kaniyang talumpati noong 12 Disyembre 2016, inamin ni ginoong Duterte na sakay ng motorsiklo ay umiikot siya noon sa Davao upang maghanap ng pagkakataon na pumatay, at sinabi niya–at ito ang kaniyang sariling mga salita na aking sinisipi—“Sa Davao, dati ko itong ginagawa nang personal upang ipakita sa tao na kung kaya ko itong gawin, bakit hindi mo kaya?” At ito ang kaniyang sariling mga salita at matatagpuan ng hukuman na ito sa tab 16.1 ng listahan ng ebidensiya ng prosekusyon ARNPHL-OTP00015547,  pahina  0002, linya 7 at 8.

Ipinakikita ng ebidensiyang ito na ang tanggapan ni Ginoong Duterte bilang alkalde noon ng Lungsod Davao ay nagbigay ng regular na suweldo sa mga kasapi ng DDS. Nagbigay din ng pinansiyal na gantimpla sa mga direktang kasabwat, sa anyo ng cash para sa bawat ulo na mapapatay. At sa isang press conference noong 2013, ipinahayag ni Ginoong Duterte na ang mga utos na shoot-to-kill at ang gantimpala ay, at aking sinisipi, “mga lehitimong kasangkapan ng pámahalaán upang labánan ang pagwawalang-bahala sa batas” Ito ang kaniyang sariling mga salita. “At kung susuko siya sa akin o makikita ko ang bangkay, e ‘di dodoblehin ko ang halaga.” At muli, oo, iyan ang kaniyang ipinagyabang. Ang siping ito ay matatagpuan sa tab 17.2 ng talaan ng ebidensiya ng prosekusyon, ARNPHL-OTP-00094932,  pahina  0002, linya 7 hanggang 11.

Ang pagkamatay ng mga personalidad na sangkot sa droga na napatay sa mga operasyong kontra-droga ay inendoso ng administrasyon ni Ginoong Duterte at inilista bílang opisyal na nagawa sa mga ulat sa publiko. Mga kagalang-galang na Hukom, tulad ng makikita ninyo sa pre-confirmation brief ng prosekusyon, nagbigay din si Ginoong Duterte sa mga direktang kasabwat niya ng mga armas, bala, at suporta sa lohistika upang mapadali ang pagsasakatuparan ng mga nakahain na krimen. At mayroon din siyang kontrol, malawak na kontrol, sa mga krimen na iyon. Ngayon, payagan ninyong pagtuonan ko ang aspektong iyon ng kontrol. Bílang alkalde ng Davao at kalaunan bílang pangulo ng Pilipinas, hawak ni Ginoong Duterte ang pinakamataas na impluwensiya at awtoridad sa mga pisikal na nagsasagawa ng krimen.

Bílang alkalde, siya ang púnong ehekutibo ng pámahalaán ng Lungsod Davao na  may responsabilidad sa pagsasagawa ng mga pangkalahatang pangangasiwa at kontrol sa lahat ng gawain nito. Mayroon siyang pormal na operasyonal na superbisyon at kontrol sa isang yunit ng pambansang pulis sa Davao. Bílang bumuo at pinunò ng DDS, mayroon din siyang de facto na kontrol sa mga kasapi ng death squad.

Nang maging pangulo si Ginoong Duterte noong 30 Hulyo 2016, umupo siya sa pinakamataas na estruktura ng kapangyarihang pampolitika ng Pilipinas. Siya ang naging pinunò ng estado, pinunò  ng  pámahalaán,  at punong-komandante ng lahat ng puwersang sandatahan ng Pilipinas. Siya rin ang naging pinunò ng puwersa ng pulisya ng bansa. Ang antas ng awtoridad na ito ang nagbigay sa kaniyang ng kakayahang kontrolin ang mga tagapagpatupad ng pinagkaisahang plano sa buong bansa.

Makikita rin ang kontrol ni Ginoong Duterte sa krimen sa pamamagitan ng kanyang kakayahang ipahinto ang mga ito kung nanaisin niya. Tulad ng nakasaad sa pre-confirmation brief, matagumpay niyang sinuspende ang mga operasyon laban sa ilegal na droga ng pulis sa dalawang pagkakataon matapos ang pampublikong pag-aaklas bílang tugon sa mga kilaláng pagpatay. Sa parehong pagkakataon, bumabà nang malaki ang bílang ng naiulat na pagpatay, na nagpapakita ng kaniyang kontrol. Kayâ kapag inutusan niya ang mga tao na kumilos, sila ay kikiilos. Kapag inutusan niya silang huminto, sila ay tumigil. Sila ay sumunod.

Malinaw sa talumpati niya sa National Bureau of Investigation noong Nobyembre 2016 na batid ni Ginoong Duterte ang kapangyarihan niya sa mga tagapagsawa ng krimen, “Ako ang púnong komandante sa panig ng sibilyan, ako naman ang púnong tagapagpaganap ng pámahalaán.” Tungkol naman sa pulis, sinabi niya, “Napapailalim lámang sila sa akin at ako talaga ang pinakaresponsable para sa mga nagawa nila.” ang mga siping ito ay matatagpuan sa listahan ng mga ebidensiya ng prosekusyon ARNPHL-OTP-00095679,  pahina  0004, linya 131 hanggang 134.

At ang mga direktang tagapagsagawa ng krimen ay sumunod sa utos ni Duterte at nirerespeto nila ang kaniyang awtoridad. Si Ginoong Duterte ay iginagalang ng kaniyang mga tagasunod. Kinatatakutan siya at ang kaniyang mga utos ay sinusunod. Isang insider witness ang tahasang nagsabi na ang isang pulis ay napatay, at aking sinisipi, “Dahil sa direktiba ng pangulo.” Ito ang sinabi ng insider witness. Ang siping ito ay matatagpuan sa tab 120 ng listahan ng mga ebidensiya ng prosekusyon, ARNPHL-OTP-00088631-R01, pahina 66, linya 2304 hanggang 2306.

Ang pahayag na ito ay pinatunayan ng iba ang mga pahayag na naibigay na namin. At ang ibang direktang mga kasabwat ay sumusunod dahil sa kanilang bulag na katapatan kay Ginoong Duterte. Ang iba ay sumusunod dahil sa takot, at ang iba ay nahihikayat na sumunod dahil sa pangakong salapi at iba pang gantimpala. Para sa iba, ang pagpatay ay umabot pa sa antas ng isang baluktot na anyo ng kompetisyon, na may pagsisikap na maabot ang mga quota sa pagpatay na kalaunan ay nagreresulta sa promosyon at mga gantimpala. Pakiramdam ng iba na wala nang ibang opsiyon  kundi  ang  sumunod,  na ipinapaliwanag ng isang insider na “Sadyang hindi posible na hindi sumunod sa utos ni Ginoong Duterte.” At nagmula din ito sa pahayag ng isang insider witness. Ang ebidensiyang ito ay matatagpuan sa tab 51 ng listahan ng mga  ebidensiya  ng prosekusyon OTP-0015403, pahina 0008 hanggang 0009, linya 240 hanggang 245.

Lalong lumakas pa ang loob ng mga direktang kasabwat sa paggawa ng krimen dahil sa paulit-ulit na pangako ni Ginoong Duterte na kaligtasan sa pananagutan. Sa iba’t ibang pampublikong pahayag, nangako si Ginoong Duterte na poprotektahan ang mga pulis na sangkot sa pagpatay. At ito ang kaniyang sinabi. “Hangga’t may kapangyarihang magbigay ng pardon sa Konstitusyon, iyon ang aking sandata laban sa krimen. Kung kayo ay pumatay ng 100 at may 100 sa inyo, kayong lahat ay mapapatawad, maibabalik ang buong karapatang pampulitika at sibil, at mabibigyan pa ng promosyon. Ganoon iyon, lalo na sa mga high-profile.” Ang siping ito ay matatagpuan sa tab 130.2 ng listahan ng mga ebidensiya ng prosekusyon ARNPHL-OTP-50336, pahina 0010.

Ang mga pahayag na ito ay nagbigay katiyakan sa mga pisikal na nagsasagawa ng mga krimen. Ayon sa isang insider, nagkaroon siya ng kumpiyansa na ipagpatuloy ang pagpatay ng mga tao dahil alam niyang hindi siya maaaresto dahil doon. ng ebidensiyang ito ay matatagpuan sa tab 38 ng listahan ng ebidensiya ng prosekusyon, pahina 0005, at ang kaugnay na mga linya ay 130 hanggang 131.

Mga kagalang-galang na Hukom, hayaan ninyo akong magsabi ng ilang salita tungkol sa mga kontekstuwal na elemento. Ang 78 na pagpatay at tangkang pagpatay na kinakaharap ni Ginoong Duterte sa kasong ito ay hindi random. Hindi ito mga krimeng naganap nang kusa o nang hiwa-hiwalay. Sa halip, ipinapakita ng ebidensiya na ang mga ito ay bahagi ng isang malawakan at sistematikong pag-atake na nakatuon laban sa sibilyang populasyon ng Pilipinas. Ang mga pagpatay at tangkang pagpatay ay isinagawa sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at sa loob ng mahabang panahon.

Sa kabuoan, ang tinaguriang giyera kontra droga ni Ginoong Duterte ay nagresulta sa pagkamatay ng libo-libong sibilyan mula noong 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019, at marami sa mga biktimang ito ay mga bata. Ang mga biktima ng extrajudicial killing na saklaw ng kasong ito ay brutal na pinaslang, ang ilan ay matapos dukutin at pagmalupitan. Hindi tulad ni Ginoong Duterte, na kinakatawan ng kaniyang abodago rito ngayon, sila ay pinagkaitan ng anumang anyo ng tamang proseso. Ang pagkawala ng bawat isa sa mga biktimang ito ay nagdulot ng malalim at matinding epekto sa kanilang mga pamilya, mga kaibigan, at sa huli, sa kanilang mga komunidad.

Ang kanilang pagdurusa ay hindi lámang sinalubong ng tíla walang pakialam na pagtrato ni Duterte, kundi maging ng kaniyang panlilibak. Sa isang talumpati noong 25 Hulyo 2016, tahasan niyang pinagtawanan ang isang kilaláng larawan na nagpapakita sa kapareha ng isang biktima ng extrajudicial killing na yakap ang katawan nito, na ngayon ay makikita sa ating screen. Bagama’t ang partikular na insidenteng ipinapakita sa larawan ito ay hindi kabílang sa mga nakahain na kaso, ang naging reaksiyon ni Ginoong duterte tungkol dito ay nagpapakita ng kaniyang saloobin sa mga biktima. Tungkol sa larawang ito, ito ang sinabi ni Ginoong Duterte:

“Kayong mga matino pa, kayo mga hindi pa sumusubok ng ilegal na droga, kung ayaw ninyong mamatay o masaktan, huwag kayong umasa sa pari, pati na sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Hindi nila mapipigilan ang kamatayan, kaya huwag ninyo gawin iyan. At pagkatapos, naroon kayo, nakahandusay sa lupa at makikita sa broadsheet na parang si Mama Mary na yakap ang patay na bangkay ni Jesucristo. Ganyan sila gumawa ng drama rito: Iyan ang kaniyang sinabi. Ang siping ito ay matatagpuan sa tab 128 ng listahan ng mga ebidensiya ng prosekusyon   ARNPHL-OTP-50335, pahina 0008.

At siyempre, ang usapin kung si Ginoong Duterte ay may kaalaman at intensiyon ay halos hindi na kailangang banggitin. Mga kagalang-galang na hukom, intensiyon at batid ni Ginoong Duterte na ang mga inihain na krimen ay magaganap sa karaniwang daloy ng mga pangyayari na kaniyang itinakda at pinasimulan. Ang kaniyang layunin at kaalaman ay makikita sa maraming pahayag na ginawa niya sa panahon ng kaniyang panunungkulan bílang alkalde at pangulo, na nangako siyang babawasan ang krimen sa pamamagitan ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal, isinusulong ang pinagkaisahang plano, at hinihikayat ang pulis at maging ang ilang miyembro ng publiko na pumatay ng mga pinaghihinalaang kriminal.

Gaya ng nakadetalye sa pre-confirmation brief ng prosekusyon at gaya ng maririnig ninyo sa presentasyon ng aking grupo, gumawa rin si Ginoong Duterte ng mga pahayag na tahasang kumikilala sa mga alegasyon at mga extrajudicial killing na ginawa ng kaniyang mga nasasakupan at naglabas pa ng nakasulat na kautusan na nagpapakitang alam niya ang mga krimeng kanilang isinagawa. Kagalang-galang na Hukom, umaasa ang prosekusyon sa mahahalaga at iba’t ibang uri ng ebidensiya upang makita na may matibay na batayan upang paniwalaan na si Ginoong Duterte ay may pananagutan sa mga krimen. Kabílang sa ebidensiyang ito ang maraming salaysay ng mga saksi, kabílang ang mga insider witness. Narito rin ang maraming talumpati ni Ginoong Duterte mismo, gayundin ang mga pahayag ng kaniyang mga kasabwat. Kasáma rin dito ang kaniyang mga utos at iba pang mga dokumento na nilagdaan niya mismo. Umaasa rin ang prosekusyon sa mga opisyal na dokumento ng pamhalaan, kabílang ang mga materyales mula sa Philippine National Police. Umaasa rin sa mga drug watch list, mga audio at video na materyales, gayundin sa forensic at pinansiyal na ebidensiya.

 Mga Kagalang-galang na Hukom, sa susunod na presentasyon ng prosekusyon, ipaliliwanag ng aking mga kasamahan nang mas detalyado ang ilan sa mga pangunahing ebidensiyang ito. Magbibigay si Ginoong [Julian] Nicholls ng presentasyon tungkol sa background ni Ginoong Duterte, kasunod ang pangkalatahang pagtalakay sa ebidensiyang nagpapakita ng kaniyang pananagutan sa inihain na krimen sa Bílang 1. Susundan ito ng presentasyon ni Ginoong [Edward] Jeremy, na magsasalita tungkol sa ebidensiyang nagpapakita ng pananagutan ni Ginoong Duterte bilang Pangulo kaugnay ng inihain na krimen sa Ikalawang Bílang. At si Bb. [Robynne] Coft, sa aking kaliwa, ay magpapaliwanag naman tungkol sa kontekstuwal na elemento ng krimen laban sa sangkatauhan at sa modelo ng pananagutan na kinapapalooban ng inihain na krimen sa kasong ito na dapat panagutan ni Ginoong Duterte.

At bílang pagtatapos, Mahal na Pangulo, Kagalang-galang na Hukom, bagama’t hindi maibabalik ng hukuman ang mga biktima sa kanilang mga mahal sa búhay, maaari nitong tulungang ilantad ang katotohanan tungkol sa nangyari sa kanila at magbigay ng pag-asa na makakamit ang hustisya para sa mga biktima. Ang mga nakasampang kaso sa harap ninyo ngayon ay seryoso, at ang ebidensiyang iniharap ay nangangailangan ng pagpapatibay. Dapat panagutin si Ginoong Duterte, at ang kasong ito ay dapat pagtibayin para sa paglilitis.

PhilSTAR L!fe, in partnership with Komisyon sa Wikang Filipino, is providing translations of Duterte's pre-trial hearing into Filipino and Cebuano. Know more about Komisyon sa Wikang Filipino via its official website as well as Facebook and Instagram.

Find out what happens next after the former president's confirmation of charges hearing here.