IN FILIPINO: Transcript of Joel Butuyan's opening statement at Duterte's ICC confirmation of charges hearing

By PhilSTAR L!fe Published Mar 01, 2026 6:35 am

As one of the representatives of the victims of extrajudicial killings allegedly performed during Rodrigo Duterte's terms first as Davao City mayor and then as the Philippine president, Filipino lawyer Joel Butuyan began his opening statement by expressing disappointment about Duterte being allowed to be absent at the pre-trial proceedings.

Butuyan delivered his opening statement on the first day of Duterte's confirmation of charges hearing at the International Criminal Court on Feb. 23. He told the judges that if they fail to confirm the charges against the former president, "there is absolutely no other recourse for the victims."
 
Below is a Filipino translation of Butuyan's opening statement by Komisyon sa Wikang Filipino commissioner Benjamin Mendillo.

Mga Kagalang-galang na Hukom, bílang pambungad na pahayag, inihahatid namin ang mga pananaw at kalagayan ng 497 biktima na pinahintulutang lumahok sa mga pagdinig na ito. Sa simula pa lámang, mga Kagalang-galang na Hukom, ipinaaabot namin ang napakatinding pagkadesmaya ng mga biktima sa pasiyang nagpapahintulot kay Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa yugtong ito ng pagpapatibay ng mga sakdal.

Ang pagharap lámang ni Ginoong Duterte at ang pagbása sa kaniya ng mabibigat at karumal-dumal na mga sakdal laban sa kaniya ay mahalaga sanang bahagi ng pagkamit ng katarungan para sa mga biktima. Sumasagisag ang kasong ito sa hulíng bangkang maaari nilang sakyan sa kanilang paglalakbay upang hanapin ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa búhay na brutal na pinaslang alinsunod sa mga utos ni Ginoong Duterte.

Kung pipigilan ng kapulungang ito ang paglalayag ng bangka sa pamamagitan ng hindi pagpapatibay sa mga sakdal, ang mga biktima ay habambuhay na maiiwang nakadaong sa isang isla kung saan ang mga gabí ay punô ng mga hiyaw at panaghoy ng kanilang mga mahal sa búhay na minasaker. Wala nang anupamang ibang remedyo para sa mga biktima.

Walang iba kundi ang dáting Kalihim ng Katarungan ng Pilipinas na si Crispin Remulla mismo ang umamin ilang buwan lámang ang nakalipas na ang pinto túngo sa katarungan sa loob ng bansa ay permanente nang nakasara para sa mga biktima ng extrajudicial killings ni Duterte. Ipinahayag ni Remulla, at sinisipi namin, “Mahirap patunayan ang kaso rito at buoin ito dahil ang mga dapat magsalita ay sangkot sa krimen. Walang kahit ano, ni isang ulat ng pulis. Wala kang pinangyarihan ng krimen. Wala kang ballistics. Wala kang DNA.” Dagdag pang ipinahayag ni Remulla, at sinisipi ko, “Lahat ng maaaring burahin ay binura upang hindi umusad ang mga kaso.” Iyan ang dahilan kung bakit umabot ito sa ICC. Sa ilalim ng sistema ng katarungan sa Pilipinas, mga Kagalang-galang na Hukom, walang kasong kriminal na maaaring makarating sa mga hukuman maliban kung ito ay pasimulan at ihain ng Kagawaran ng Katarungan o ng Tanggapan ng Ombudsman.

Mula sa pagiging Kalihim ng Katarungan, si Remulla ay itinalaga bílang Ombudsman. Sa gayon, ang dalawang tagapagbantay ng katarungan ay sunod-sunod na nahawakan ng isang mataas na opisyal na lantarang nagpahayag na wala nang anumang pag-asa para sa katarungan sa loob ng bansa para sa mga biktima. Kung hindi mapagtitibay ang mga sakdal sa kasong ito, isa sa pinakamabibigat na pangamba ng mga biktima ay ang pagbabalik ni Ginoong Duterte sa Pilipinas bílang isang bayani na nagwagi. Muli niyang ipangangaral ang kaniyang ebanghelyo ng kawalang-pananagutan. Sa katunayan, kung nagawa ni Ginoong Duterte na magbantang sasampalin ang mga hukom ng hukumang ito, na kaniyang ginawa habang siya ay pangulo, maaaring maisip ng kapulungang ito ang uri ng mga pananakot na punô ng lagim at ang mararahas na hakbang na madali lámang na magagawa laban sa mga biktima kung ang suspek ay makalalaya mula sa hukumang ito.

Kung hindi mapagtitibay ang mga sakdal, isang napakalubhang pangamba ng mga biktima na si Ginoong Duterte ay ilalarawan sa kasaysayan ng kaniyang napakaraming tagasunod bílang pinunò na nakagapi sa ICC at naglinis umano sa kaniyang bansa ng 30,000 rapist, mamamatay-tao, at mapanganib na mga kriminal, ang mga salitáng walang habas niyang ginamit laban sa lahat ng mga pinaslang sa kaniyang madugong kampanya.

Mga Kagalang-galang na Hukom, halos isang taon nang nakakulong dito sa The Hague si Ginoong Duterte, ngunit walang naging kapayapaan at pahinga para sa mga biktima. Mula nang paslangin ang kanilang mga mahal sa búhay at magpahanggang ngayon, namuhay sila sa patuloy na pangamba para sa kanilang mga búhay. Ang pag-aresto at pagkakapiit ni Ginoong Duterte ay hindi nagpatigil sa kawalang-pananagutan sa Pilipinas. Ang virus ng kawalang-pananagutan na kaniyang ikinalat sa buong bansa ay naging isang kanser na kumalat at nakahawa sa milyon-milyong Pilipino. Lumikha si Ginoong Duterte ng mga kopya ng kaniyang sarili. Ang milyon-milyong mamamayan na dáting mapayapa ay ginawa niyang mga alagad na uháw sa dugo, pinaniwala na ang karahasan at pagpatay ay mga katanggap-tanggap na solusyon sa mga problema ng lipunan.

Ang mga pagpatay na pinasimunuan ni Ginoong Duterte ay patuloy na may epekto sa mga biktima hanggang sa ngayon dahil sa kaniyang mga clone. Ang mga utak-Duterte na ito ay nanggigipit, nagbabanta, o tahasang nagsasagawa ng karahasan laban sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya. Gaya ng ipinakikita ng bílang ng mga biktimang lumalahok sa pagdinig na ito sa ngayon, marami pa rin ang natatakot lumantad at isalaysay kung paanong naging impiyerno ang kanilang mga búhay bunga ng mga krimen ni Ginoong Duterte at dahil sa patuloy silang nabubuhay sa tákot na maging target ng karahasan ng mga panatiko ni Duterte.

Marami sa mga biktima ang nag-atubiling lumahok sa kasong ito sa ICC dahil naninirahan sila sa mga pamayanang hitik sa mga clone ni Duterte. Nakikita nila ang mga bulwagan ng kapangyarihan sa kanilang bansa na punô ng mga alagad ni Duterte. Nakikita at naririnig nila ang mga senador, kongresista, alkalde, gobernador, at iba pang makapangyarihang personalidad sa pámahalaán na mga utak-Duterte. Ang anak na babae ni Ginoong Duterte ay ang pangalawang pangulo, at kamakailan lámang ay nagpahayag na tatakbo siya bílang pangulo sa 2020. Ang isang anak na laláki ni Duterte ay isang kongresista, ang isa pa ay alkalde ng Lungsod Davao, at maging ang kaniyang mga apo ay nása mga posisyon ng kapangyarihan. Ang salot ng kawalang-pananagutan ay kumalat hindi lámang sa mga Pilipino sa Pilipinas kundi maging sa mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa, kahit dito sa The Hague. Nang iulat namin sa mga biktima na kami, bílang kanilang mga panlabas na kinatawang legal, ay waring mga pugante na umiiwas sa kapuwa namin mga Pilipino dito sa The Hague sapagkat malaki ang posibilidad na sila ay mga clone ni Duterte, ipinahayag nila ang kanilang taimtim na pangamba na kung kami, bílang kanilang mga abogado, ay nakakaramdam ng banta mula sa maraming Duterte sa isang banyagang bansa, paano pa kayâ ang mas matinding tákot na kanilang kinahaharap araw-araw sa kanilang mga pamayanang punô ng mga utak-Duterte.

Nais ding ipaabot ng mga biktima na kung ang mga hukom ng kagalang-galang na kapulungang ito ay maaaring mapasailalim sa online harassment ng mga clone ni Duterte, dapat nating maisip kung gaano kabulnerable ang mga biktima sa kanilang mga maralitang pamayanan. Mga Kagalang-galang na Hukom, iisa lámang ang solusyon upang mapigilan ang kawalang-pananagutan na pinalaganap ni Ginoong Duterte na patuloy na magdulot ng pinsala at pagdurusa sa mga biktima. At iyon ay ang pagpapatibay ng kapulungang ito sa mga sakdal upang makapagpatotoo ang mga saksi at maiharap ang ebidensiya hinggil sa mga karumal-dumal na krimeng ginawa ni Ginoong Duterte.

Ang mga testimonyo at ebidensiyang ihaharap ay magsisilbing bakuna sa mga utak-Duterte laban sa virus ng kawalang-pananagutan na nakahawa sa kanila. Kapag kanilang makikita at maririnig ang sukdulang kalupitan, ang lantad na kabangisan, sa madaling salita, ang tahasang kahayupan ng mga krimeng ginawa ni Ginoong Duterte at ang pagkatao ng mga biktimang marahas na kinitilan ng búhay. Muling sisiklab ang mga bága ng pagkataong nananatili pa sa kanilang mga puso. Marami sa mga utak-Duterte o mga kopya ni Duterte ang sa katunayan ay mga biktima rin ng malawakang pagkalat ng fake news sa internet. Kailangan siláng bakunahan ng katotohanan, at ang bakuna ng katotohanan ay maaari lámang magmula sa mga testimonyo ng mga saksi at ng mga biktima at sa ebidensiyang ihaharap sa isang paglilitis sa harap ng hukumang ito. Ang katotohanan ang lunas sa virus ng kawalang-pananagutan, mga Kagalang-galang na Hukom.

Pinangangambahan ng mga biktima ang isang kinabukasan kung saan hindi mapagtitibay ang mga sakdal sa kasong ito. Mangangahulugan ito na magpapatúloy ang pagkalat ng virus ng kawalang-pananagutan at mas marami pang mahahawa. Nangangamba ang mga biktima na ang mga kopya ni Duterte ay magiging higit pang malaking grupo na maaaring maghalal ng isa pang apostol ng kawalang-pananagutan bílang susunod na pinunò ng Pilipinas. Kung mangyari iyon, maaaring maganap sa Pilipinas ang isang mas malubhang kalagayan ng kawalang-pananagutan, marahil higit pang masahol kaysa sa walang habas na pagdanak ng dugo na naganap mula 2011 hanggang 2019, at sa pagkakataong iyon ay wala nang ICC na malalapitan para sa tulong at saklolo.

Mapagpakumbabang nakikiusap ang mga biktima sa kagalang-galang na kapulungang ito na muling pagtibayin ang dalawang mahalagang layunin ng ICC na nakasaad sa Preambulo ng Rome Statute. Una, ang usigin at parusahan ang mga pinakamatitinding krimen na lubhang yumanig sa budhi ng sangkatauhan. At ikalawa, ang wakasan ang kawalang-pananagutan at mag-ambag sa pagpigil sa mga krimeng hindi ninuman sukat akalain ang kalupitan.

Kung mapagtitibay ng Kapulungang ito ang mga sakdal, makakamit ng Hukumang ito ang una nitong layunin na usigin at, kung mapapatunayang nagkasala, parusahan si Ginoong Duterte sa mga kahindik-hindik na krimeng ibinibintang sa kaniya. Subalit ang pagkamit ng unang layunin ay hindi awtomatikong magpatitiyak na matutupad din ng Hukuman ang ikalawang layunin nito. Ang simpleng paghaharap ng ebidensiyang nakalap at ng teorya ng pananagutan ng prosekusyon ay hindi agarang magbubunga ng pagwawakas ng kawalang-pananagutan at ng pagpigil sa higit pang mga krimen na sukdulan ang kalupitan, na ikalawang layunin ng hukuman.

Dapat pahintulutan ng Hukumang ito ang mga biktima na magpatotoo, at dapat maitala sa rekord ng mga pagdinig ang mga nakapanlulumong karanasan ng mga naapektuhan ng mga krimen. Sila ang sangkatauhang tinutukoy sa balangkas ng mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng Artikulo 7. Ito ang pananaw ng mga biktima na dapat siláng payagan ng Hukumang ito na isalaysay ang bigat, ang kalupitan, at ang pagkabrutal ng mga naganap.

Sa madaling salita, ang tahasang kahayupan ng mga krimeng pinasimunuan ni Ginoong Duterte. Upang ang mga táong sumasamba at humahanga sa kaniya, ang mga naging alagad ng kawalang-pananagutan, ay makita nila mismo ang kahayupan ng suspek. Upang mangyari ito, dapat mapagtibay ang lahat ng mga sakdal.

Ang virus ng kawalang-pananagutan na kumalat sa buong Pilipinas ay napakalubha at napakaseryoso, mga Kagalang-galang na Hukom. Lantarang ipinahayag ni Ginoong Duterte ang kaniyang hangaring sundan ang mga yapak ni Adolf Hitler nang kaniyang sabihin, at sinisipi ko, “Nangmasaker si Hitler ng 3 milyong Hudyo. Ngayon mayroong 3 milyong adik sa droga.

Ikagagalak kong pagpapapatayin sila.” Wakas ng sipi. At gayumpaman, sinasamba siya ng napakalaking bílang ng mga Pilipino. Sa maraming bansa, kailangan mong itago ang paghanga kay Hitler. Ipinagmalaki ito ni Ginoong Duterte, at hindi natitinag ang kaniyang mga panatiko.

Nagpahayag pa si Ginoong Duterte ng marami pang ibang mga kakila-kilabot na pahayag na naglalayong itaguyod at hikayatin ang kawalang-pananagutan, gaya ng ilalahad nang mas detalyado búkas ng aking mga kasamahan. At gayumpaman, iniidolo siya ng napakaraming Pilipino. Maaaring igiit ng depensa na siya ay naging mapagmalabis at mapanuya lámang nang kaniyang bigkasin ang mga pahayag na iyon. Ngunit kung siya ay nagbubuhat lámang ng bangkô at pabirong nagsasalita, ang mga táong pinaslang ay dapat sana’y nabubuhay at tumatawa ngayon sa kaniyang diumano’y mga biro at pakulo. Hindi lámang nag-utos si Ginoong Duterte ng maramihang pagpatay ng mga táong pinaghihinalaang sangkot sa droga, mga Kagalang-galang na Hukom. Dinungisan din niya sila sa pamamagitan ng mga paratang na sila ay mga rapist, mamamatay-tao, at mapanganib na mga kriminal.

Nagpataw si Ginoong Duterte ng isang mahigpit na hatol na kung ikaw ay personalidad na nauugnay sa droga, isa ka na agad mapanganib na kriminal na nakagawa ng hindi matawarang kalupitan. Ang mga pamilya ng mga pinaslang ay hindi lámang nagdusa sa pagkawala ng isang mahal sa búhay, kundi dinungisan pa ang kanilang pangalan sa pagkakaugnay sa isang rapist, mamamatay-tao, o mapanganib na kriminal.

Kahit matapos mapaslang ang kanilang mga mahal sa búhay, marami sa mga pamilya ang napasailalim pa sa karumal-dumal na kawalang-katarungan. Sa halip na itala ang mga tama ng bala bílang sanhi ng kamatayan sa kanilang mga death certificate, nabigla ang mga pamilya nang mabásang pulmonya, atake sa puso, stroke, sepsis, at iba pang pekeng sanhi ng kamatayan na nakasulat doon. May iba pang mga pamilya na siningil ng malalaking halaga—mga halagang hindi káyang bayaran ng mga maralitang pamilya—upang mabawi lámang ang mga labí ng kanilang mga mahal sa búhay mula sa punerarya na pinaghihinalaan ng mga pamilya na kasabwat ng mga pulis.

May ilan pang mga kapamilya nainaresto at ikinulong ng mga pulis sa ilalim ng mga huwad na paratang at upang pigilan siláng magsampa ng reklamo. Sa isang partikular na insidente, mga

Kagalang-galang na Hukom, isang binata at ang kaniyang kinakasama ay natutulog sa kanilang barumbarong nang gibain ng mga laláking nakabihis-sibilyan ang pinto ng kanilang bahay. Kinaladkad ng mga laláki palabas ng silid ang babae. Sumusuko na nga ang laláki. Nagsimula pa siyang maghubad upang ipakita na wala siyang droga o baril sa kaniyang katawan. Sinabi niya sa wikang Filipino, “Sir, malinis po ako. Maghuhubad ako, Sir.”

Sa kabila nito, walang awa siyang binaril at pinatay ng mga laláki. Matapos patayin ang laláki, inaresto ang babae at kinasuhan ng mga palsipikado at hindi napipiyansahang sakdal. Nang magtungo ang ina ng namatay at ang kaniyang pinsan sa estasyon ng pulisya upang alamin ang nangyari sa binata, sapagkat wala sila sa pinangyarihan ng krimen nang maganap ito, agad din siláng inaresto at kinasuhan ng mga gawa-gawang krimen.

Kung pagtitibayin ng Kagalang-galang na Kapulungang ito ang mga sakdal sa kasong ito, ipakikita ng mga saksi at ng ebidensiya na ang mga dinungisan ni Ginoong Duterte bago sila pinaslang ay nása loob ng kanilang mga tahanan, payapang natutulog kasáma ang kanilang mga pamilya, kumakain kasáma ang kanilang mga mahal sa búhay, nakikipaglaro sa kanilang mga anak, o yakap ang kanilang mga asawa. Ang iba naman ay naglalakad lámang sa lansangan, kumakain sa karinderya sa tabi ng daan, o bumibiyahe upang kumita para sa ikabubuhay ng isang dukha.

Lahat sila ay gumagawa lámang ng mga karaniwan, payapa, at payak na gawaing pantao. Ang pagpapatibay sa mga sakdal ay magpapanumbalik sa dangal ng mga pinaslang at sa karangalan ng kanilang mga pamilya.

Ang pinsalang dinanas ng mga pamilya ng mga pinaslang ay hindi nagsimula at nagtapos sa pagpatay sa kanilang mga mahal sa búhay. Bawat pagpatay ay nagpasiklab ng sunod-sunod na mga pangyayari na patuloy na lumilikha ng araw-araw na pugon ng pinsala, pagdurusa, at pagkawala. Sa pamamagitan ng pag-uutos sa maramihang pagpatay ng mga táong pinaghihinalaan pa lámang, nagdulot si Ginoong Duterte ng hindi na maaayos at walang katapusang kapahamakan sa mga pamilya.

Napakalaking mayorya ng mga pinaslang ay mga tanging tagapagtaguyod ng kanilang mahihirap na pamilya. Umaasa ang mga pamilyang ito sa arawang kita para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sila ay mga pamilyang isang kahig, isang tuka. Sa pagkamatay ng kanilang tagapagtaguyod, ang mga naulilang asawa, na karamihan ay mga babae, ay napilitang gampanan ang papel ng dalawang magulang. Bukod sa pag-aaruga sa kanilang mga anak at pagpapanatili ng tahanan, kanila na rin ang dagdag na pasánin ng pagiging tagapagtaguyod ng kanilang mga pamilya. Dahil dito, higit pang itinulak ang mga pamilya sa mas matinding karukhaan, mga Kagalang-galang na Hukom.

Ang pinsalang idinulot sa mga bata ay hindi masukat. Tuluyan nang nasugatan ang kanilang paglaki at paghubog. Para siláng naglalakad sa búhay na may nawawalang isang sangkap na magulang. Ang pagkawala ng isang magulang sa gitna ng matinding kahirapan at sa ilalim ng pinakamarahas na mga pangyayari ay nag-iiwan ng mga súgat na hindi kailanman maghihilom at na lubos na magpapasan sa kanila ng habambuhay na kapansanan. At nariyan ang hindi mailarawang dalamhati ng mga magulang na nawalan ng anak. Walang magulang ang dapat maglibing sa sariling anak. Ang mga magulang ay nagdurusa ng habambuhay na dalamhati kapag ang anak ang nauunang pumanaw. At ang dalamhating iyon ay lalo pang walang kapantay kapag ang isang anak ay namatay sa pinakamalupit at di-makataong kalagayan.

Ang mga krimeng pinasimunuan ni Ginoong Duterte ay hindi lámang nakaapekto sa mga indibidwal kundi sa mga buong komunidad. Sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, maraming komunidad sa kalunsuran mula sa mga pinakamahihirap na lugar ang nahagupit ng dahas at mga pang-aabusong idinulot ng isang kampanya laban sa droga na walang paggalang sa batas, na lalo pang nagpalala sa paghihirap at trauma ng mga residente sa mga komunidad na nása laylayan ng lipunan.

Sa isang malinaw na halimbawa, mga Kagalang-galang na Hukom, matapos mapatay ng mga pulis ang ama ng isang pamilya sa loob mismo ng kaniyang bahay, labis na nayanig ang buong kapitbahayan kayâ sa loob ng halos tatlong buwan, at sa mga pinakamalamig pang buwan sa Pilipinas, iniwan nila ang kanilang mga bahay pagsapit ng gabí at sa halip ay natulog sa bukás na palengkeng bayan. Hindi sila nakadama ng kaligtasan sa loob ng kanilang mga tahanan sapagkat kung basta na lámang papasukin ng mga pulis ang kanilang bahay at pagbabarilin sila, walang magiging saksi. Sa palengkeng bayan, inisip nila na ang pagkakaroon ng maraming saksi ang magsisilbing hadlang upang hindi sila pagbabarilin at pagpapatayin ng mga pulis.

Pananaw din ng mga biktima, mga Kagalang-galang na Hukom, na dapat pagtibayin ang mga sakdal sapagkat ang paghaharap ng mga saksi at ebidensiya sa paglilitis ay mag-uudyok sa mga pulis at iba pang tagapagpatupad ng batas na harapin ang tahasang kabulukan at kabuktutan ng pagpaslang sa mga sibilyan na sila mismo ang nagsagawa o pinayagan nilang isagawa sa panahon ng malagim na paghahari ni Ginoong Duterte. Sa isang operasyon, agad na pinaslang ng mga pulis ang tatlong laláki, dalawang magkapatid at isang kaibígan, nang madaling-araw.

Idineklara ng mga pulis na ang tatlo ay “nanlaban.” Lumaban umano sila. Ngunit iba ang nasaksihan ng mga kapitbahay. Labis na nasindak ang buong komunidad sa nakagigimbal na pagtrato sa isa sa mga napatay. Ang katawan ng isa sa tatlong laláki, na tinadtad ng bala, ay inilabas mula sa bintana sa ikalawang palapag at inihulog sa lupa sapagkat hindi mailabas ng mga pulis ang bangkay sa pintuan. Nang tumama sa lupa ang katawan, napaurong ang mga kapitbahay nang marinig nilang umungol ang katawan: “Aray!”

Buháy pa ang laláki nang inihulog ang kaniyang katawan sa lupa, at iniwan na lámang siya ng mga pulis na duguang naghihingalo hanggang sa mamatay. Ang paglilitis ay magsisilbing salamin na ihaharap sa kapulisan at mag-uudyok sa kanila na makita kung paanong sila ay naging mga berdugo at assassin, at kung paanong ang kanilang institusyon ay ginawang isang napakalaking organisasyon ng mga kriminal o ginawang isang makinang pumapatay ni Ginoong Duterte.

Sa ábot ng aming kaalaman, ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas at ang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas laban sa droga ay walang isinagawang anumang hakbang upang ituwid at linisin ang mga isipan ng kanilang mga opisyal at tauhan na nabahiran. Ang paglilitis sa kasong ito ay magiging napakalaking pagkakataon na magtuturò at siyang magtutuwid sa mga baluktot at bulok na pag-iisip ng mga opisyal ng seguridad ng Pilipinas.

Kailangang mapagtibay ang mga sakdal, mga Kagalang-galang na Hukom, alang-alang sa buong bansa na namanhid na sa napakalawak na paglaganap ng kawalang-pananagutan at sa pagpuri dito na isinulong ni Ginoong Duterte. Kailangang maláman ng buong Pilipinas ang tunay na kuwento ng mga madugóng taóng iyon. Wala pang pagkakataon ang buong bansa na lubusang mabatid ang buong katotohanan ng mga naganap.

Pira-piraso at palihim na mga balita lámang ang lumabas, at ang mga ito ay palaging natatabunan ng mga troll na maramihang gumagawa at nagpapakalat ng huwad, peke, at gawa-gawang balita.

May kahalagahang pangkasaysayan din para sa mga biktima ang kasong ito.

Kung pagtitibayin ng Kapulungang ito ang mga sakdal, ang mga pagdinig sa paglilitis ay lilikha ng isang makasaysayang talâ ng pinakamadugong yugto sa kasaysayan ng Pilipinas matapos ang digmaan, isang tungkulin na tinanggihang gampanan ng sistemang pangkatarungan sa Pilipinas.

Ang makasaysayang salaysay hinggil sa maramihang pagpaslang sa napakaraming Pilipino sa panahon ng rehimeng Duterte ay kailangang madaling mabatid ng mga susunod na henerasyon, tulad ng mga paglilitis sa Nuremberg at sa Tokyo, upang matuto sila rito at hindi na maulit ang pagkakamaling pumili ng at magbigay-pugay sa mga pinúnong nangangaral at nagsasagawa ng kawalang-pananagutan. Iniharap ng prosekusyon ang 78 insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay, at nilinaw na ang mga insidenteng ito ay ilang lámang sa lawak ng mga krimeng ginawa laban sa libo-libong sibilyan, mga Kagalang-galang na Hukom.

Mapagpakumbabang nakikiusap ang mga biktima sa Kagalang-galang na Kapulungang ito na alalahanin na ang madugong pamamahala ni Ginoong Duterte, kapuwa sa Lungsod Davao at sa buong bansa, ay nagbunga ng hanggang 30,000 biktima ng pamamaslang, mahigit 300,000 biktima ng di-makatwirang pagkakapiit, at hindi mabilang na mga biktima ng tortyur, seksuwal na pang-aabuso, at iba pang anyo ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Para sa maraming pamilya sa Pilipinas, ang mga sakdal na iniharap para sa pagpapatibay sa mga pagdinig na ito ay kumakatawan lámang sa isang bahagi ng kabuoang realidad na dinanas ng mga biktima.

Mapagpakumbabang nakikiusap ang mga biktima sa Kagalang-galang na Kapulungang ito na alalahanin ang daan-daang libong biktima, na ang daan-daang libong biktima ay umaasa sa katarungang dadaloy mula sa kasong ito. Sa wakas, mga Kagalang-galang na Hukom […]

Mga Kagalang-galang na Hukom, nais lámang bigyang-diin ng mga biktima na ang tunay na nakatayâ sa mga pagdinig na ito ay ang pinakapangunahing karapatan sa lahat ng anyo ng karapatang pantao, ang karapatang mabuhay. Ang karapatang mabuhay ang mismong saligan ng bawat sibilisadong lipunan. Ang mga ninuno ng bawat bansa ay nakipaglaban sa mga mananakop, kolonisador, mapaniil na monarko, at mga pasistang pinunò upang maipagtanggol ang karapatang mabuhay ng kanilang mga pamilya, ng kanilang mga komunidad, at ng mga susunod na henerasyon. Ang mga bayani ng bawat bansa ay nag-alay ng kanilang mga búhay upang ipagtanggol ang karapatang mabuhay ng kanilang bayan.

Táyo, bílang mga mamamayan ng mga makabagong lipunan, ay mga tagapagmana at tagapakinabang sa mga sakripisyo ng ating mga ninuno na nag-iwan sa atin ng karapatang mabuhay. May utang táyo sa kanila na ipagtanggol ang pinakadakilang pamana para sa ating henerasyon at para sa mga susunod pang henerasyon. Sa mga nakalipas na taon, mga Kagalang-galang na Hukom, nasaksihan natin ang pagdami ng mga pinunò ng mga bansa na wari’y naglakbay mula sa madilim na kapanahunan at ngayo’y nagmamayabang sa makabagong panahon na para bang pag-aari nila ang búhay ng mga tao.

Ang mga malupit at walang awang pinunò na ito ay dapat panagutin sa kanilang tahasang pagwawalang-bahala sa karapatang mabuhay ng sangkatauhan.

Ang ating mga ninuno ay nakipaglaban sa mga larangan ng digma upang maipagtanggol ang ating karapatang mabuhay. Sa makabagong panahong ito, ang larangan ng pakikibaka upang ipagtanggol ang ating karapatang mabuhay ay nása loob ng apat na sulok ng kagalang-galang na hukumang ito.

Nawa’y gabayan ng Diyos ng búhay, ng Diyos ng sangkatauhan, ang mga kagalang-galang na kasapi ng kapulungang ito. Maraming salamat po, mga Kagalang-galang na Hukom.

PhilSTAR L!fe, in partnership with Komisyon sa Wikang Filipino, is providing translations of Duterte's pre-trial hearing into Filipino and Cebuano. Know more about Komisyon sa Wikang Filipino via its official website as well as Facebook and Instagram.

Find out what happens next after the former president's confirmation of charges hearing here.