Indigenous People
OO sa lider na kumakalinga sa mga katutubo
Ninanais at hinahangad ko bilang kabataang katutubo na makita pa sa mga susunod pang mga taon na mabigyan ng pansin ang mga katulad naming mga kabataang Agta. Nais naming magkaroon ng libreng pag-aaral o scholarship at libreng mga training para mas mapaunlad ang mga kakayahan ng bawat kabataang Agta. Mapaunlad ang katutubong kaalaman o IKSP (indigenous knowledge) sa edukasyon. Nais kong manatili ito sa aming mga kabataan hanggang sa mga susunod na henerasyon.
Ako po si Ria Esteves, 30 taong gulang, katutubong Agta na nakatira sa bayan ng Casiguran, lalawigan ng Aurora. Lima po kaming magkakapatid at puro babae. Ako po ay nakapag-aral sa Mount Carmel College of Casiguran at nakatapos ng kursong Business Administration. Magsasaka at mangingisda po ang aking mga magulang.
Ang mga Agta ay kilala sa kanilang mayamang kultura at mapagmalasakit sa lupaing ninuno (ancestral domain). Ang Agta rin ay kilala sa kanilang pagbibigayan. Ang Casiguran ay matatagpuan sa dulong bahagi ng Aurora kung saan makikita ang mga bulubundukin at malawak na karagatan. Kadalasang pangingisda ang hanapbuhay ng mga Agta.
Isa akong kabataan at mamamayan ng bansang Pilipinas. Isa rin ako sa libu-libong tao na naghahangad ng sagana at maayos na lipunang ginagalawan. Sa mga nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan, kaming mga katutubong Agta ay malimit na hindi malingap ng mga namumuno sa ating gobyerno. Madalas pa rin ang diskriminasyon tulad sa mga ospital lalo na sa mga pampublikong ospital sapagkat kapag walang pera ay hindi inaasikaso ang Agta.
Kadalasan din ay hindi dinidinig ang aming hinaing para sa aming mga karapatan. Tulad na lamang ng karapatan namin sa aming lupaing ninuno. Kahit may batas na nagsasabi sa aming mga karapatan sa lupaing ninuno, marami pa rin ang bumabalewala rito.
Ninanais at hinahangad ko bilang kabataang katutubo na makita pa sa mga susunod pang mga taon na mabigyan ng pansin ang mga katulad naming mga kabataang Agta.
Nais naming magkaroon ng libreng pag-aaral o scholarship at libreng mga training para mas mapaunlad ang mga kakayahan ng bawat kabataang Agta. Mapaunlad ang katutubong kaalaman o IKSP sa edukasyon. Nais kong manatili ito sa aming mga kabataan hanggang sa mga susunod na henerasyon.
Kadalasan sa mga namumuno ay hindi nila inaalam ang mga kalagayan ng mga mas maliit na tao. Katulad ng nangyari na mismo dito sa amin ang pagtatayo ng APECO o Aurora Pacific Economic Zone. Ang ecozone na ito ay hindi makabubuti sa aming mga Agta dahil sinakop nila ang ilang bahagi ng aming lupaing ninuno.
Naniniwala ako at patuloy na umaaasa na matupad lahat ng ito ngayon hanggang sa susunod na mga namumuno.
Ang pagboto ay karapatan mo. Magparehistro ngayon. Pumunta sa irehistro.comelec.gov.ph.